Relief goods na ipinamimigay sa San Jose Del Monte, Bulacan, nakalagay sa timba

  • Namahagi ng ayuda ang lokal na pamahalaan ng San Jose Del Monte, Bulacan kaugnay ng pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine
  • Nakalagay ito sa mga timba o balde upang magamit pa ito sa mga kabahayan
  • Nagbigay naman ng iba’t ibang reaksyon at komento ang mga San Joseño hinggil dito

Sa patuloy na pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon, hindi lahat ay kampanteng manatili sa kani–kanilang mga tahanan, na sana’y inilalaan nila sa pagtatrabaho o pagbabanat ng buto upang may maitustos sa pangangailangan ng pamilya. Kaya naman malakas ang panawagan sa ayuda o tulong ng lokal na pamahalaan sa kanilang mga nasasakupan.

Iba–iba ang naiisip na paraan ng bawat bayan o lungsod sa pamamahagi ng relief packages. Batay sa Facebook page ng SJDM o San Jose Del Monte Public Information Office, makikitang isinilid nila sa mga timba ang mga relief goods na ipinamigay nila sa ilang mga residente, upang magamit pa ito, sa halip na itapon ang plastik o eco bag.

Imahe mula sa Facebook page ng SJDM Public Information Office

Ayon sa caption, “Patuloy ang Pamahalaang Lungsod ng San Jose Del Monte sa pamamahagi ng relief packages para sa pamilyang San Joseño na apektado ng ipinatutupad na Enhanced Community Quarantine.”

Paliwanag pa nila, “Prayoridad ng lokal na pamahalaan na unang mabigyan ng tulong ang mga pamilyang kabilang sa mga benipisyaryo ng 4P’s at Listahanan ng DSWD, at mga pamilyang nasa talaan ng Pamahalaang Barangay na pansamantalang nawalan ng kabuhayan.”

Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon at komento mula sa mga netizens.

Sabi ng isa, “Ang galing, may libreng timba! Mas magagamit nga naman iyan sa panahon ngayon na tagtuyot na. Buti naisip ninyo iyan.”

“That is really good. However, please reach out to places in Barangay San Rafael IV. There are still families here who weren’t able to receive your help. ASAP,” panawagan naman ng isa.

Bulalas naman ng isa, “Tama po na maging priority sa pagbibigay ng ayuda ay yung mas higit na nangangailangan. Pero dapat din po lahat ng family dito sa San Jose ay mabigyan ng ayuda. Mahirap man o mayaman. Kasi po lahat tayo ay apektado ng pandemic. Kaya hindi tama na pinipili kung sino lang yung bibigyan ng ayuda.”

Imahe mula sa Facebook page ng SJDM Public Information Office

Ang San Jose Del Monte, Bulacan ay nasa hanggahan ng North Caloocan, at malapit din sa Quezon City. Ito ay pinamamahalaan ni Mayor Arthur Robes.

Loading…