Rider na may sirang sapatos, nakatanggap ng bago mula sa customer

Imahe mula sa Facebook | Rachel Julian
  • Marami ang naantig sa kuwento ng isang rider na nabiyayaan ng bagong sapatos nang mapansin ng customer na sira na ang suot niya
  • Hindi nag-alinlangan ang isang customer na ibigay ang kaniyang sapatos bilang pasasalamat na rin sa rider na patuloy na nagseserbisyo sa gitna ng sitwasyon ngayon
  • Ipinaabot naman ng anak ng rider ang kanilang pasasalamat dahil labis daw na nagalak ang kaniyang ama dahil may bago na siyang sapatos

Naantig ang netizens sa kuwento ng isang delivery service rider na nabiyayaan ng bagong sapatos ng kaniyang customer nang mapansin na sira na ang suot nito.

Imahe mula sa Facebook | Rachel Julian

Sa kaniyang post sa Facebook, ibinahagi ni Rachel Julian na kinailangan niyang ipa-deliver sa bahay ng boyfriend ang stock ng pagkain ng kanilang pusa. “Nagtry kaming mag-book sa iba’t ibang app. Ilang oras na, walang tumatanggap. Until sa Lalamove, after ilang try, may tumanggap,” aniya.

Napansin ni Rachel na sira sira na ang sapatos ng rider. Tuklap na ang itaas na bahagi nito at nakanganga na rin.

“Alam mo kawawa yung nagdedeliver. Pagdating diyan, check mo shoes niya. Sira sira,” sabi ni Rachel sa mensahe niya sa boyfriend.

Hindi nagdalawang isip si Gab na ibigay ang kaniyang sapatos na ayon kay Rachel ay wala pang isang taon sa kaniya.

Pagdating ng rider sa bahay ni Gab ay laking gulat daw nito na may package ding naghihintay para sa kaniya. Mabuti na lamang daw at nagkasya sa rider ang sapatos ni Gab. Isang malaking ngiti ang isinukli ng rider kay Gab dahil mapapalitan ang kaniyang sapatos.

Imahe mula sa Facebook | Rachel Julian

“Nag-leave kami ng feedback sa iyo, Kuya Reynaldo pero gusto uli namin magpasalamat ni Gab na kahit ganito ang sitwasyon at kahit alam kong mahirap mag-motor nang ‘di maayos ang suot sa paa eh patuloy ka pa ring naghahanapbuhay at nakakatulong sa aming mga customers mo,” saad niya pa sa post.

Sa pamamgitan ng isang text message ay nagpasalamat ang anak ng rider sa dalawa. “Anak po ito ng nag-Lalamove na binigyan ninyo ng sapatos. Salamat po. Tuwang tuwa po ang tatay ko,” sabi nito.

“Pag ganiyan na walang pagdadalawang-isip magbigay, lubos lubos ang biyaya niyan galing kay Papa God. Proud of you two. Alam kong sobrang napasaya ninyo si Kuya today amidst the situation we have now,” sabi ng isang netizen.

Source :

Facebook

Loading…