Sa panahon ng community quarantine, babala ng isang boss: “Stay at home. Ang pumasok, absent!”

  • Isang boss ang may makulit pero makabuluhang mensahe para sa kanyang mga empleyado sa panahon ng community quarantine
  • Sabi ng karatula sa kanilang opisina, “ang pumasok, absent” para manatili lang sa bahay ang kanilang mga manggagawa
  • Hindi naman daw nila kailangang mag-alala dahil “no work with pay” naman daw ang ipinatutupad nila

Simula nang inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na isasailalim muna sa community quarantine ang buong bansa para na rin sa ating kaligtasan, maraming kompanya at mga trabaho naman ang nakiisa rito. Maraming boss ang hindi na pinapasok pa ang kanilang mga empleyado, habang ang iba naman ay may mabuting kalooban na may pasahod kahit walang pasok.

Ngunit sa mga unang araw ng community quarantine, naging suliranin ng pamahalaan ang kumpol ng mga tao sa checkpoints dahil marami pa rin ang gustong pumasok sa trabaho upang kumita pa rin ng pera. Kaya naman kanya-kanyang diskarte na ang mga boss ng iba’t ibang kompanya upang matulungan ang mga empleyado.

Larawan mula sa Facebook post ni Thess Ramirez

At may kakaibang diskarte ang isang boss na trending ngayon sa Facebook. Para kasi mahikayat ang kanilang mga empleyado na makiisa sa nais ng pamahalaan na manatili muna sa bahay, ginawang baligtad ng boss ang panuntunan sa kanilang opisina: kapag pumasok ka, siguradong absent ka.

Malinaw ang mensahe sa karatula sa kompanyang pinapasukan ni Thess Ramirez.

Kita sa larawang in-upload ng netizen na sumusunod ang kanilang kompanya sa ‘no work’ policy bilang pagsunod sa community quarantine. Kaya naman sabi nila sa mga empleyado na huwag nang makulit at sumunod na sa polisiya ng pamahalaan.

Dahil dito, napagpasiyahan nilang hanggang sa Abril 15, lahat daw ng magpupumilit pumasok sa kanilang opisina ay mamarkahang absent. Naging generous naman ang kanilang kompanya dahil ipinagmalaki rin ni Thess na ‘no work with pay naman sila’ kaya ang gagawin na lang nila ay sumunod.

“No Work (March 16 – April 15, 2020) Stay at home!!! Wag makulit, sumunod kayo! Ang pumasok, absent!!!” sabi ng karatula sa opisina nina Thess.

Larawan mula sa Pexels

Kinatuwaan naman ito ng netizens dahil sa kwela ngunit mayroong katuturang karatula na ibinahagi ni Thess. Marami ang napa-sana all sa pagmamalasakit ng kanilang kompanya para sa mga empleyado nito na nais talagang maging ligtas sa panahon ngayon.

May isa pang Facebook friend si Thess na nagbiro na kapag naman daw hindi pumasok ang kanilang empleyado, tsaka raw ito mamarkahang present. Binaligtad man ng community quarantine ang panuntunang ito ng mga kompanya, para din naman ito sa ating kaligtasan.

Loading…