Saludo! Nagdadalantaong nurse, patuloy na ginagampanan ang sinumpaang tungkulin

Imahe mula sa GMA News
  • Hindi lamang kalusugan ng nurse na si Khristine Caryl Decipulo ang nailalagay sa alanganin sa kaniyang duty dahil siya ay apat na buwan nang nagdadalantao
  • Pag-amin niya, may mga pagkakataon na nag-aalala siya ngunit iniisip niya rin ang sinumpaang tungkulin bilang nurse
  • Malaki rin ang pasasalamat niya sa mga nagpapadala ng personal protective equipment upang maproteksyonan sila laban sa COVID-19

Sa tuwing papasok sa trabaho ang nurse na si Khristine Caryl Decipulo ay hindi lamang sariling kalusugan ang nailalagay niya sa alanganin kung hindi maging ang sanggol na nasa kaniyang sinapupunan.

Imahe mula sa GMA News

Kahit apat na buwan nang nagdadalantao ay patuloy na pumapasok si Khristine sa kaniyang trabaho bilang nurse sa Intensive Care Unit  sa isang ospital sa Paranaque City dahil napapansin niyang unti-unti na ring nauubos ang kaniyang mga kasamahan.

“Unti-unting nauubos ang mga nurses natin, mga frontliners natin kasi isa-isa silang nagkakasakit. Ako naman, parang kaya ko pa naman, eh bakit hindi ako tumulong pa?” sabi niya sa GMA News.

“May sinumpaan kasi akong tungkulin. Nag-pledge tayo na tutulong tayo noong oath taking, kaya alam mo yung tawag ng tungkulin. Calling talaga ang pagiging nurse.”

Hindi naman daw inatasan si Khristine sa mga hinihinalang may COVID-19 ngunit hindi pa rin daw niya naiiwasan na mag-alala. Sa katunayan, hindi na muna siya umuuwi at tinitiis na hindi makita ang 3 taong gulang na anak upang huwag itong mailagay sa peligro.

Imahe mula sa GMA News

“Dumarating din yung parang hala, nakakatak0t. Baka kami rin mahawaan pero nagda-drive talaga, yung motivation na lang namin…hindi e, nurse kami. Kailangan nating gawin ito. Kailangan ng pasyente ng mag-aalaga. Kung pati kami, matatakot, sino pa ang gagawa?”

Kaya naman ganoon na lamang ang pasasalamat niya sa lahat ng mga nagpapadala ng personal protective equipment para sa kanilang mga frontliner.

“Sobrang nakakataba ng pus0, kasi alam mo ‘yun ma’am parang sa talambuhay naming mga nurse parang ngayon lang kaming na-appreciate kung kailan nagkaroon ng COVID outbreak. Ngayon lang kami napansin.”

Salamat, Khristine! Stay safe!

Loading…