Sana all: Bonggang relief goods mula sa Narra, Palawan, sasapat talaga sa isang buwang community quarantine

  • Trending sa social media ang larawan ng mga relief goods na ipinamigay sa Narra, Palawan
  • Napakarami kasi nito at talaga namang tatagal ng isang buwang community quarantine
  • Maraming netizens tuloy ang napa-sana all dahil sa maayos na serbisyo ng kanilang mayor

Utos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga local government units (LGUs) na magpamahagi ng relief goods sa kanilang mamamayan na tatagal dapat ng isang buwan. Malaking hamon ito para sa maraming mayor dahil maraming mamamayan ngayon sa social media ang umaangal na hindi pa sila nakatatanggap ng anumang tulong, ilang linggo matapos ipatupad ang enhanced community quarantine (ECQ).

Gayunman, mayroon pa ring mga alkaldeng walang awat sa pagbibigay ng seguridad sa kanilang mga nasasakupan. Kabilang dito ang mga mamamayan sa Narra, Palawan na trending ngayon sa social media dahil sa pang-isang buwang relief goods na nakuha nila mula sa kanilang mayor.

Larawan mula sa Facebook post ni Al Bert

Ibinida ni Al Bert sa kanyang Facebook account ang pang-isang buwang relief goods na ibinigay sa kanila ng mayor ng Narra, Palawan na si Mayor Gerandy Danao. Ipinakita niya sa larawan ang napakaraming delata, instant noodles, instant coffee, sabon, at sako-sakong bigas na ipinamahagi ng lokal na pamahalaan.

Ayon sa nag-post, nakatanggap daw sila ng 30 lata ng sardinas, 30 pakete ng noodles, 30 pakete ng instant coffee, anim na pirasong sabon, at tatlong sako ng bigas na may lamang 20 kilos kada sako. Dahil dito, maraming netizens ang napa-sana all sa biyayang natanggap ng mga taga-Narra sa Palawan.

Viral na ngayon sa social media ang post ni Al at habang isinusulat ang balitang ito, mayroon nang higit 4,600 reactions at 3,700 shares ang post, walang isang araw matapos ibahagi ni Al sa kanyang Facebook account.

Sabi ng mga netizens, dapat daw lahat ng mayor ay ganito ang ibibigay sa mga tao upang maiwasan na talaga ang paglabas sa bahay. Ang siste kasi, kakarampot daw ang natatanggap nilang relief goods na hindi pa raw sasapat sa isang araw.

Larawan mula sa GMA News

Bago mag-trending para sa ipinamahaging relief goods, una nang gumawa ng pangalan si Mayor Danao noong nakaraang mayoral election dahil binangga niya ang 30 taong pamumuno ng pamilya Demaala sa kanilang bayan.

Simpleng mamamayan lang noon si Mayor Danao na isang goat farmer bago naging alkalde. Ayon sa kanya, dahil isang magsasaka lang siya noon, dama niya ang mga kailangang paunlarin sa kanilang bayan at magsisilbi siyang tinig ng maralita sa kanilang bayan.

Loading…