Sikat na inumin ng mga bored: Dalgona coffee patok sa mga Pinoy; saan nga ba nagmula ang recipe na ito?

  • Trending ngayon sa mga Pilipino ang sikat na coffee mix na dalgona coffee
  • Dahil simple lang ang ingredients ay maraming Pinoy ang gumagawa nito habang naka-community quarantine
  • Pati nga mga sikat na personalidad ay nakikigaya na rin sa paggawa ng kapeng ito

Bago ang enhanced community quarantine (ECQ), maraming Pilipino ang nahumaling sa inuming milk tea. Mula sa mga bagets hanggang sa mga ‘forgets,’ lahat ay makikitaan mong umiinom ng paborito nilang tea blend na nagmula sa bansang Taiwan.

Pero dahil bawal lumabas ang publiko ngayon, isang easy pero masarap na coffee blend naman ang sinusubukan ng lahat. Huwag nang magtaka kung napupuno ang newsfeed ninyo ng mga larawan ng isang inuming may brown foam sa itaas at may gatas sa ilalim. Ito kasi ang bagong trend—ang dalgona coffee.

Larawan mula kay Christina Ann Cardenio

Ang kapeng ito ay inspirasyon din ng mga Korean sa atin. Sikat ang inuming ito sa TikTok at Instagram dahil maraming Koreano ang nagustuhan ang lasa nito. Ayon sa ilang food expert, nagsimula ang pagsikat ng dalgona coffee sa taong ito dahil sa isang Korean show na nagtampok dito.

Nagpunta raw ang aktor na si Jung Il-Woo sa Macau at doon niya natuklasan ang kape na sinasabing nagmula sa mga bansang India, Macau, at Pakitsan. Dahil may pagkakahawig daw ang spongy o foamy na topping nito sa candy na dalgona sa Korea, ito na rin ang itinawag dito.

Ang dalgona coffee ay isang uri ng kape na mayroong gatas at mas kapansin-pansin at mas malasa dahil sa foam sa itaas nito. Gawa sa instant coffee, mainit na tubig, at asukal ang foam nito na kailangang i-whisk o haluin ng kamay hanggang makagawa ng thick foam. Matapos makagawa ng topping, ay ilalagay na ito sa gatas at hahayaang kusang mag-blend ang dalawang mixture.

Larawan mula sa YouTube video ni Erwan Heussaff

Dahil simple lamang ang ingredients ng inuming ito, maraming Pinoy ang kayang-kayang gawin ito sa kanilang tahanan ngayong naka-ECQ ang buong bansa. Ang mga sangkap ay matatagpuan lang sa ating mga bahay kaya naman pagandahan at pasarapan ng dalgona coffee ang maraming netizens ngayon.

Pati nga ang mga sikat ay hindi na pahuhuli sa paggawa ng kanilang dalgona coffee. Ang sikat na chef at asawa ni Anne Curtis na siErwan Heussaff ay nag-vlog ng kanyang sariling recipe ng dalgona coffee na trending na ngayon sa YouTube.

Panoorin ang kakaibang paraan ni Erwan sa paggawa ng dalgona coffee na maaari n’yo ring subukan:

Source :

YouTube, Preview

Loading…