Simula ng paglipad: Balikan ang winning moment ni Regine Velasquez sa Asia-Pacific Singing Contest noong 1989

  • Naging pasaporte ni Regine Velasquez ang pagkakapanalo sa Asia-Pacific Singing Contest noong 1989 para lalong makilala
  • Tinalo niya ang maraming mang-aawit mula sa Asya at karating bansa
  • Ito rin ang naging dahilan upang makuha niya ang titulong Asia’s Songbird

Kapag pinag-uusapan ang larangan ng pag-awit at original Pilipino music (OPM), hindi malilimutang banggitin ang nag-iisang Asia’s Songbird at best-selling Filipina singer na si Regine Velasquez. Matapos ang tatlong dekada sa industriya, walang duda na namamayagpag pa rin at nananatling mataas ang lipad ng nag-iisang Songbird.

Ngunit katulad ng maraming Pinoy, nagsimula rin si Regine bilang isang aspiring singer. Sumali si Regine, na noon ay si Chona pa, sa singing contest na Ang Bagong Kampeon noong 1984. Siya nga ang itinanghal na grand winner kaya naman nagkaroon ng daan para maging isa siyang ganap na recording artist.

Larawan mula sa YouTube

Pero ang nagsilbing pinakamalaking break ni Regine ay ang pagkakapanalo sa 1989 na Asia-Pacific Singing Contest. Tinalo ni Regine ang maraming singers sa iba’t ibang panig ng Asya at ng mundo na naging dahilan din para tawagin siyang Asia’s Songbird.

Siya ang naging kinatawan ng Pilipinas sa prestihiyosong singing contest na nagpamangha naman sa buong mundo. Ginanap ang kompetisyon noong Disyembre 23, 1989 sa Hong Kong kung saan ipinarinig ni Regine ang kanyang mga pangmalakasang piyesa.

Inawit niya ang mga soundtrack ng mga musical kabilang ang You’ll Never Walk Alone ng Carousel at And I am Telling You (I’m not going) ng Dream Girls. Pinamangha ng batang-batang si Regine ang lahat sa kanyang madamdamin at mataas na rendisyon ng mga nasabing kanta.

Dahil sa kanyang pagkapanalo, hindi lamang mga Pilipino ang nakapansin kay Regine. Pati ang international media ay nagkaroon ng atensyon kay Regine. Dahil dito ay nagsunod-sunod na ang malalaking proyekto ni Regine kabilang ang kanyang unang solo concert na ‘Narito Ako’ na ginawa sa Folk Arts Theater.

Larawan mula sa Songbird Source

Simula noon ay naging malaking pangalan na ang Regine sa music industry. Nagkaroon siya ng maraming platinum-awarded albums, sold-out concerts, pelikula, at top rating television show. Mas nalapit si Regine sa masa nang mapanood siya sa concert TV show na SOP kung saan nakilala niya ang asawang si Ogie Alcasid.

Ngayon ay bahagi na si Regine ng Kapamilya network at napapanood sa longest running musical show na ASAP Natin ‘To. Naging hurado rin siya sa ikatlong tangka ng Idol franchise sa bansa at nagtanghal sa isang Valentine’s concert kasama ang Popstar Royalty na si Sarah Geronimo.

Panoorin ang winning moment ni Regine sa Asia-Pacific Singing Contest:

Loading…