Stay at home auditions: GMA Network, naghahanap ng kanilang next talents sa pamamagitan ng mobile app na TikTok

  • Magsasagawa ang GMA Artist Center ng pa-audition sa kanilang next talents sa pamamagitan ng TikTok
  • Maaaring sumayaw, umawit, o umarte sa gagawing online auditions
  • Maraming netizens naman ang natuwa dahil may maaaring kahinatnan ang kanilang pagti-TikTok habang naka-ECQ

Dahil marami ang nais magpalipas ng kanilang oras habang nasa ilalim ng enhance community quarantine (ECQ) ang buong bansa, marami na ang nag-install ng mobile application na TikTok sa kani-kanilang devices. Naaliw mo na ang sarili mo, naaliw mo rin ang iba lalo na kung ia-upload mo ito sa iyong social media accounts.

Ngunit ang pambansang past time ng bansa ngayon, maaari na ring magbigay ng stardom sa mga nangangarap na maging artista. Inanunsiyo kasi ng broadcast giant na GMA Network na ang kanilang Artist Center ay naghahanap ng next potential stars sa pamamagitan ng TikTok.

Larawan mula sa GMA Artist Center Facebook page

Sa Facebook post ng GMA Artist Center, sinabi nitong naghahanap sila ng kanilang next stars sa pamamagitan ng pagpapadala sa kanila ng TikTok videos ng mga netizens. Kumpleto ang hinahanap nilang talento mula sa TikTok;  pagsayaw, pagkanta, at maging pag-arte.

Ayon sa post ng GMA, sinumang nangangarap na maging artista ay maaaring magpadala ng TikTok video nila basta hindi raw gagamitan ng anumang filter ang mukha upang makita ng mga sasala sa entries na matatanggap nila.

Para sa mga aspiring actors, hinihikayat ng GMA na magpadala ang mga ito ng TikTok video na ginagaya ang ilang eksena sa paborito nilang Kapuso drama show. Maaaring dubbed o live sound ang gagamitin sa TikTok video.

Sa mga gusto namang maging next Mark Herras o Rochelle Pangilinan, maaaring magpadala ng kanilang video sa TikTok na nagpapakita ng pangmalakasan nilang dance moves. Live sound naman ang kanilang kailangan para sa next Kapuso singing sensations na magpapadala ng kanilang TikTok videos.

Larawan mula sa GMA Artist Center Facebook page

Kailangan lamang i-tag ang GMA Artist Center sa kanilang official TikTok account na @ArtistCenter upang maging kwalipikado ang kanilang audition. Kailangan din na naka-follow ang sinumang magpapadala ng entries.

Bukas ang pa-audition ng GMA sa kanilang TikTok account mula Marso 23 hanggang Marso 27. Ito na ang pagkakataon mo na ma-discover habang nasa bahay lamang at naka-ECQ.

Malay mo, ikaw na ang maging next Kapuso star.

Loading…