Stranded man sa resort dahil sa lockdown, Willie Revillame patuloy na iniisip ang kapakanan ng kapwa

  • Willie Revilla patuloy ang ginagawang pagtulong sa kapwa kahit stranded sa Puerto Galera
  • Hindi na nakabalik sa Maynila ang Wowowin host dahil sa ipinatupad na lockdown sa buong Luzon
  • Nanawagan siya sa lahat na sundin ang mga ipinatutupad ng pamahalaan upang hindi na lumala ang sitwasyon ng health crisis

Stranded at hindi na nakabalik sa Maynila ang Wowowin host na si Willie Revillame dahil inabutan siya ng pagpapatupad ng Luzon-wide enhanced community quarantine doon sa kanyang resort sa Puerto Galera sa Oriental Mindoro.

Screenshot mula sa video ng Wowowin

Sa kabila niyon, patuloy na nananaig kay Willie ang pagtulong sa kapwa sa gitna ng health crisis na dinaranas ng bansa, lalo na sa mga frontliners – health workers  at peace and order personnel – na inilalagay ang mga sarili sa panganib mapagsilbihan lang ang mga kababayan.

Kasama ang ilan niyang staff sa Wowowin, nag-isip si Willie ng paraan kung paano makatulong sa mga nangangailangan kahit naroroon sila sa Puerto Galera.

Aniya, tinawagan niya ang mga kaibigan at sponsors upang hingan ng tulong na maibabahagi sa taumbayan.

Isa ang Frontrow networking company ang hindi nagdalawang-isip na tumulong nang tawagan ito ni Willie. Nangako umano ang mga may-ari ng kumpanya na sina RS Francisco at Sam Versoza ng 20,000 piraso ng face masks at isang milyong piso.

Nangako rin kay Willie ang Herbs & Nature, Inc. na magbibigay ng mga gamot para sa mga bata at matanda.

Screenshot mula sa video ng Wowowin

Sabi pa niya, ang mga pulis at sundalo na nagmamando sa mga checkpoints sa Puerto Galera ay pinadadalhan din nila ng tulong tulad ng bigas, kape at mga medisina.

Idinadasal ni Willie na sana ay matapos na ang pagsubok na pinagdaraan hindi lang ng Pilipinas kundi ng buong mundo.

Ang panawagan niya sa lahat ay sundin ang mga ipinatutupad ng pamahalaan , katulad ng istriktong home quarantine upang madali nating malampasan ang hirap na sanhi ng coronavirus.

 

Loading…