Suplay ng bigas ng Pilipinas, nanganganib dahil sa pagbaba ng exportation ng Vietnam; DA iginiit na sapat pa ngayon ang bigas

  • Bababaan ng bansang Vietnam ang pag-export ng bigas sa Pilipinas dahil sa banta ng C0VID-19
  • Dahil dito, maghahanap daw ng ibang supplier ang bansa at tututukan ang lokal na produksiyon ng bigas
  • Sapat pa naman daw ang suplay ng bigas sa Pilipinas ayon sa NFA at DA

Patuloy na gumagawa ng epekto ang C0VID-19 sa ekonomiya ng buong mundo. Ngayon naman, dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng nasabing virus sa Asya, inanunsiyo ng pamahalaan ng bansang Vietnam na bababaan nila ang suplay ng bigas na ipinadadala sa ibang bansa kasama ang Pilipinas.

Ayon sa pamahalaan ng Vietnam, pansamantala nilang puputulin ang pagbibigay ng clearance para sa rice shipments upang masiguro ang food security ng kanilang bansa ngayong apektado na rin ang kanilang industriya ng pagsasaka dahil sa C0VID-19.

Larawan mula sa PNA

Vietnam ang pinakamalaking pinagmumulan ng suplay ng bigas ng Pilipinas sa mga nagdaang taon. Sa kabila nito, siniguro naman ng Department of Agriculture (DA), na mayroong sapat na suplay ng bigas ang bansa na tatagal ng hanggang 75 araw.

“Sapat po ang ating supply ng bigas para sa Metro Manila at sa buong bansa. Nitong buwan ng Marso, mayroon po tayong rice inventory good for 75 days,” pahayag ni DA secretary William Dar sa isang pahayag.

Mula sa datos ng DA, ang imbentaryo ng bigas na sinasabi ng ahensiya ay aabot pa sa 2.661 million metric tons (MT) kasama na ang commercial, government, at household stocks. Ang National Food Authority naman ay mayroong 481,000 MT o nasa halos 9.7 million rice bags na tatagal naman daw ng 14 araw.

Sa pagbaba ng suplay ng bigas mula sa Vietnam, naghahanda naman daw ang Pilipinas ng ibang plano kabilang ang paghanap ng ibang mapagkukuhanan ng bigas sa iba pang bansa sa Asya katulad ng India, Pakistan, Thailand, at Myanmar.

Larawan mula sa PNA

Pinaplano rin umano ng DA at NFA ang pagkakaroon ng malawakang tulong para sa mga lokal na magsasaka upang sa bansa mismo magmumula ang malaking suplay ng bigas. Kasama raw ito sa kanilang mungkahing P31-billion food resiliency program na tinawag na Plant, Plant, Plant Program o Agri 4Ps.

Samantala, pahayag naman sa Federation of Free Farmers, kung patuloy na ibababa ng Vietnam ang kanilang pag-export ng bigas sa Pilipinas, mag-uumpisa raw na maramdaman ng mga Pilipino ang kakulangan ng suplay pagdating ng mga buwang Hulyo hanggang Setyembre.

Loading…