Tamad maligo? Asong nakasimangot matapos paliguan ng amo, naghatid ng good vibes online

  • Trending sa social media ang larawan ng isang asong tila nag-e-emote
  • Ayaw daw kasing maligo ng aso kaya naman todo simangot ito
  • Maraming netizens ang nagbigay din ng kuwento tungkol sa kanilang mga moody na alaga

Bilin ng marami sa kanilang kapuwa ngayong naka-community quarantine ang buong bansa, huwag kalilimutang maligo kahit hindi lumalabas ng bahay. Mas mainam pa rin daw kasi na panatilihing malinis ang katawan upang makaligtas sa anumang karamdaman.

At para naman sa mga fur parents, hindi rin dapat isinasantabi ang kalinisan at kalusugan ng kanilang mga alaga lalo na ang mga aso. Nasa panahon na rin kasi ng tag-init ang Pilipinas kaya mahalagang mapreskuhan ang ating mga alaga.

Larawan mula sa Facebook page na GAGU

Ngunit paano kung ayaw ng alaga mong maligo? Ito ang kuwento sa likod ng trending na larawan na ipinost ng Facebook page na GAGU. Makikita kasi sa larawan na katatapos lamang maligo ng isang aso at nakatapat sa bentilador at bino-blower pa upang matuyo agad ang balahibo at hindi malamigan.

Pero sa kabila ng effort ng kanyang tagapag-alaga na mapatuyo ang katawan ng aso, tila hindi masaya ang aso. Mukha kasing tinatamad maligo si bantay pero nanaig si amo. Nakadagdag pa sa pagkaaliw ng netizens ang caption ng post na “Sabi hilamos lang, kainis” bilang pagbibigay boses sa emoterong alaga.

Marami ang na-good vibes sa asong nawala sa mood dahil napaliguan. Agad na nag-viral sa social media ang larawang ito ng mag-amo. Habang isinusulat ang kuwentong ito, mayroon nang 16,000 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 3,300 comments, at 27,000 shares ang nasabing larawan.

Nagpaabot naman ng kanilang mensahe ang ilang netizens na fur parents din tungkol sa na-BV na aso dahil pinaliguan. Marami ang cute na cute sa aso na lumabas lalo ang chubby face dahil sa mukha nitong hindi maipinta.

Larawan mula sa Pexels

Ang ilan namang dog owners, kanya-kanya ring kuwento tungkol sa kanilang alaga. Kahit daw na man’s best friend ang mga aso, tulad natin ay mayroon din daw talagang mood swings ang mga ito. Pero hindi raw tulad sa tao, kapag daw uma-attitude ang mga aso, mas nakaka-good vibes daw ito sa kanilang mga amo.

May isa ring fur parent na nagsabing ganito rin ang kanyang aso kapag paliliguan. Kapag daw nalaman nitong bath time na, magtutulog-tulugan daw ito at animo ay walang naririnig.

Loading…