Tatlong SPD cops naaktuhang bumabarik habang naka-duty sa kampo

  • Tatlong SPD cops ang nahuling nag-iinuman sa loob ng SPD headquarters
  • Mismong ang kanilang acting district director ang nakahuli sa tatlo
  • Nakumpiska ang tatlong litro ng inuming nakalalasing, limang baso at dalawang plato ng pulutan mula sa tatlo

Naaktuhang nag-iinuman ang tatlong pulis ng Southern Police District (SPD) habang naka-duty sa loob ng kanilang headquarters sa Taguig City. Mismong ang kanilang acting district director ang nakatiyempo sa tatlo.

Imahe mula sa Coconuts Manila

Ayon kay SPD acting director Col. Emmanuel Peralta, nagroronda siya kasama ang anim pang officers sa loob ng SPD Headquarters dakong alas-sais ng gabi noong Linggo,ika-15 ng Marso, nang maaktuhan ang tatlo na tumotoma.

Kinilala ni Col. Peralta ang tatlo na sina Executive Master Sergeant Dennis Matriano, Cpl. Misael Ruby, and Staff Sergeant Marvin Hipolito, na pawang mga officers ng SPD Discipline, Law, and Order Section.

Nakumpiska ang tatlong litro ng inuming nakalalasing, limang baso at dalawang plato ng pulutan mula sa mga naturang pulis.

Pinadisarmahan na ni Maj. Gen. Debold Sinas, director ng National Capital Region Police Office, ang tatlo at itinalaga na sa SPD control points.  Inihahanda naman ng Regional Investigation and Detective Management ang administrative cases laban sa kanila.

Ayon kay Maj. Gen. Sinas, batay sa Memorandum Circular 2007-001 ng National Police Commission, mahigpit na ipinagbabawal sa mga police officers ang maglasing habang naka-duty at nakasuot ng uniporme ng PNP.

Imahe mula sa NCRPO PIO

Aniya, siguradong alam ng tatlo ang nasabing direktiba lalo na at sila ay pawang nakatalaga sa SPD Discipline, Law and Order Section.

“This should serve as a warning to all. This is a clear act of disobedience and I will not tolerate this kind of action. I will assure that sanctions will be served. More inspections will continue in adherence to our Internal Cleansing Policy,” wika ni Maj. Gen. Sinas.

Loading…