Teacher sa mga estudyanteng walang ballpen pero may lip tint: “Pahiram ng lip tint, ipangsusulat ko ng grade mo”

  • Trending sa social media ang isang guro na tila napuno na sa mga estudyanteng walang dalang school supplies
  • Nag-iwan siya ng mensahe sa mga estudyanteng may dalang lip tint pero walang ballpen
  • Sabi niya, ang lip tint na lamang daw ng mga ito ang ipangsusulat niya sa card ng mga estudyante

Maliban sa pagtuturo ng mga aralin sa iba’t ibang asignatura, tungkulin din ng mga guro na turuan ng wastong pag-uugali at disiplina ang mga mag-aaral. Ito ang dahilan kung bakit ikalawang magulang ang taguri sa mga guro dahil normal na lamang na masermunan nila o makagalitan ang mga mag-aaral na may ginagawang hindi maganda.

Ganito ang laman ng post ng isang Facebook page. Nasa larawan ng Pepeng Pinakamalupet ang isang lalaking guro na mayroong mensahe sa mga mag-aaral na tila mas pinahahalagahan ang kanilang pisikal na anyo kaysa sa pagbutihin ang pag-aaral.

Larawan mula sa Facebook post ng Pepepng Pinakamalupit

Hawak ang tatlong piraso ng lip tint, nagpakuha ng larawan ang guro sa may pisara na may nakasulat na mensahe.

Ayon sa nakasulat, may ilan daw mga estudyante na pumapasok sa eskwela na may dalang lip tint pero wala namang dalang ballpen. Dahil dito, gusto na raw ng guro na ipangsulat ng grade ng mga mag-aaral na ito ang kanilang lip tint.

“Pumapasok nang walang ballpen, pero may lip tint. Pahiram nga ng lip tint mo, ipangsusulat ko lang ng grade mo,” sabi ng mensahe ng guro na nakasulat sa pisara.

Agad namang nag-viral sa social media ang post na ito dahil marami yata ang naka-relate. Matapos ang dalawang araw na naka-upload, nakakuha ang larawan ng 8,000 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 1,000 comments, at 16,000 shares.

Iba-iba nag komento ng mga netizen sa larawan. May ilan na natatawa dahil marami nga raw silang kilala na mas pinagtutuunan ng pansin ang paglalagay ng kolorete sa mukha kaysa sa pagtuunan ng pansin ang pag-aaral.

Payo ng mga netizen, nasa school daw ang mga estudyante para mag-aral at hindi para rumampa lang.

Larawan mula sa Facebook post ng Pepepng Pinakamalupit

Ang ilan namang social media users, sinabing ang mga estudyanteng mas gustong gumamit ng pulang lip tint para sa kanilang mga labi, ay malamang daw ay magkakaroon din ng pulang marka sa kanilang mga card.

“Lip tint is red. Ang grades ay red din. Hahahaha,” pilyong komento ng isang netizen na umani rin naman ng maraming reactions.

Para naman sa ibang batang 90s na nagkokomento, ibinida naman nila ang kanilang ‘lip tint’ noong unang panahon. Ito ay ang kending ‘Lipps’ na talagang kumukulay sa labi at dila kapag kinain.

Loading…