Thirdy Ravena, lima o anim na team sa Japan B. League ang gustong kumuha sa kanya bilang import

  • Lima o anim na teams daw mula sa Japan B. League ang gustong kuning import si Thirdy Ravena
  • Ngunit sa ngayon ay maingat nilang pinag-aaralan ang offer ng bawat koponan
  • Pero ayon kay Thirdy, ang priority pa rin daw niya ang paglalaro para sa Gilas Pilipinas

Matapos ang debut performance ng bagong Gilas Pilipinas sa ginawang unang window ng 2021 FIBA Asia Qualifiers kung saan ipinamalas ng Ateneo de Manila University (ADMU) standout na si Thirdy Ravena ang kanyang galing, may bagong oportunidad na kumakatok para sa batang basketbolista.

Inilahad ni Thirdy na mayroong lima o anim na koponan mula sa Japan B. League ang nais siyang kunin bilang import. Bagaman wala pang desisyon si Thirdy kung anong team ang sasalihan, sinabi niyang pinag-aaralan nilang maigi ang kanilang magiging desisyon.

Larawan mula sa Instagram account ni Thirdy Ravena

“There’s like five or six team that sent an offer so we’re still waiting for the other teams and they said that they’re just finalizing the contract… We’re going to see what’s the best possible decision for us,” pahayag ni Thirdy na itinanghal din bilang Philippine Sportswriter Association (PSA) Mr. Basketball.

Karaniwang nag-uumpisa ang season ng B. League ng Japan sa buwan ng Oktubre kaya naman mahaba-haba ang panahon ni Thirdy upang pag-isipang maigi ang kanyang magiging pasya. Marami kasing fans niya ang umaasa na papasukin na niya ang professional basketball league sa Pilipinas tulad ng kanyang kuya na si Kiefer.

Matatandaang noong 2019 ay hindi sumali si Thirdy sa Philippine Basketball Association (PBA) Rookie Draft dahil napagpasiyahan nitong ilaan ang kanyang buong oras para sa pagkakasali sa Philippine national team o Gilas. Gayunman, sinabi ni Thirdy na tuloy-tuloy naman ang komunikasyon nila ng PBA commissioner na si Willie Marcial.

Idiniin din ni Thirdy na kahit na magandang oportunidad ang makapaglaro bilang reinforcement sa ibang bansa, magiging prayoridad pa rin niya ang kanyang role sa Gilas Pilipinas. Malaking panahon din ng pahinga para sa national team ang mayroon ngayong taon dahil sa pagkakansela ng mga nakatakdang laro para sa FIBA.

Larawan mula sa Instagram account ni Thirdy Ravena

Dahil sa pagkalat ng COVID-19, kanselado muna ang mga laro ng iba’t ibang bansa hanggang sa Nobyembre ng taong ito. Sa kabila nito, patuloy ang pagte-train ng Gilas upang lalong mapalakas ang koponan at muling makapasok sa FIBA World.

Nakilala si Thirdy dahil sa three-peat na ginawa nila, kasama ang mga teammates sa ADMU, sa UAAP. Si Thirdy rin ang itinanghal na MVP sa tatlong championship na iyon sa collegiate league.

Loading…