Tinamad? Isang cabinet, isinakay sa bus para daw hindi na mag-impake ang isang pasahero pauwi sa kanilang probinsya

  • Trending sa Facebook ang larawan ng diskarte ng isang pasaherong tinamad na raw mag-impake ng gamit
  • Isinakay na kasi ang buong cabinet sa loob ng compartment ng bus
  • Hindi na raw kasi nagkaroon ng oras ang pasahero na mag-impake dahil baka abutan ito ng community quarantine

Mula nang inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte na isasailalim sa community quarantine ang buong National Capital Region (NCR) dahil sa COVID-19, marami sa mga Pilipino ang agad na nagpasyang mamili ng maraming pagkain. Ang iba naman ay mas pinili nang umuwi sa kani-kanilang probinsya dahil tatagal ang community quarantine ng isang buwan.

Marami na ring larawan sa social media ang kumakalat na dagsa na ngayon ang mga Pilipino, hindi lamang sa mga pamilihan, kung hindi pati na rin sa mga istasyon ng bus. Nais ng mga ito na agad na makaalis sa Kamaynilaan bago maipatupad ang travel ban palabas at papasok ng rehiyon.

Larawan mula sa Facebook page na KeenGo Travel and Tours

Ito rin marahil ang dahilan kung bakit viral sa Facebook ang larawan kung saan makikitang tila mayroong tinamad na mag-impake ng gamit na dadalhin pauwi sa lalawigan. Ibinahagi ng Facebook page na KeenGo Travel and Tours ang larawan ng isang cabinet na isinasakay sa compartment ng isang bus.

Buhat ng dalawang lalaki ang isang plastic cabinet at isasakay sa malaking espasyo sa ibabang bahagi ng bus.

Ayon sa caption ng Facebook page, tinamad na raw ang may-ari ng cabinet kaya naman imbes na ilagay ang mga damit sa loob ng bag ay binuhat na lamang ang cabinet at ito na lang ang dadalhin sa biyahe.

“Iyong tinatamad kang mag-impake! Kaya dinala mo na buong drawer,” sabi ng post ng KeenGo Travel and Tours na agad namang ni-repost ng iba’t ibang pages sa Facebook na agad ring nag-viral.

Bagama’t hindi sigurado kung talagang may laman ang cabinet o baka ito ay nakatakda lang ibiyahe talaga, marami namang netizen ang natuwa sa konsepto at nakapagbigay sa kanila ng ngiti lalo na sa panahong ganito.

Larawan mula sa Pexels

Ayon sa kanila, bagay na bagay daw ito para sa mga gustong umuwi sa kanilang mga probinsya na talaga namang nagmamadali na bago pa maipatupad ang community quarantine na nais ng pangulo. Dahil dagsa na rin ang mga pasahero at nag-uunahan na, wala nang oras ang iba na mag-impake.

Ngunit paglilinaw ng page, katuwaan lamang ang kanilang post at hinihikayat nila ang bawat isa na mag-impake nang maayos upang maging komportable ang magiging biyahe ng bawat isa.

Loading…