Tradisyong “Buling Buling” sa Lipa, hinaluan ng “Tala challenge”

  • Nagpasiklab ng “Tala Challenge” ang mga taga–Lipa sa kanilang “Buling Buling”
  • Ang Buling Buling ay isang tradisyon sa Lipa City sa Batangas kung saan nagbabasaan o nagsasabuyan ng tubig ang mga tao
  • Umani naman ito ng komento mula sa mga netizens

Natabunan man ng sunod–sunod na mga malalaki at kontrobersiyal na pangyayari ang Pilipinas mula una pa lamang hanggang ikatlong buwan ng taon, hindi pa rin paaawat ang mga tao sa pakikiuso sa “Tala Challenge” na nagmula sa awiting “Tala” ni Popstar Royalty Sarah Geronimo.

Kinatuwaan ng mga netizens ang pasabog na “Tala Challenge” ng mga taga-Lipa City sa Batangas matapos nilang magsayaw nito habang ipinagdiriwang ang tradisyong “Buling Buling” noong Linggo, Pebrero 23, 2020, na ibinahagi sa Facebook page na “Hello Lipa“.

Image capture mula sa Facebook page ng Hello Lipa/Public Domain Image

Isinasagawa ng mga Lipeños ang Buling Buling tuwing Linggo, bago ang Ash Wednesday. Ang naturang tradisyon ay “basaan ng tubig” sa lahat.

“Yung sasayawan ka muna ng Tala bago ka basain ng bongga. NOTE: This video was shot in LIPA CITY during the buling buling tradition last Sunday, February 23. The buling buling is a basaan tradition practiced by Lipeños during the Sunday before Ash Wednesday,” ayon sa post.

Iba–iba naman ang naging komento rito ng mga netizens, partikular sa naturang tradisyon.

“Sa San Juan ganyan din eh.. pero mula nang may mabaril na nagsasaboy ng tubig, natigil, kaya sa plaza na lang… medyo kailangang pakaisipin kung dapat pa bang ipagpatuloy ang mga ganiyang tradisyon,” sabi ng isa.

“Ang cute naman ng Tala challenge nila. Ano nga ba ang dahilan bakit kailangang magbasaan? Ano ang mangyayari sa mga mananampalatayang masasabuyan ng tubig? Paano kung nagmamadali ang nabasa at kailangan niyang pumasok sa trabaho nang maayos at tuyo? Hindi ba ito nakakaabala sa mga residente?” turan ng isa.

Imahe mula sa Facebook page ng Lipa City

Saad naman ng isa, “Parang nakakaperwisyo naman ang ganiyang tradisyon hehehe. Paano kung may maaksidente o magkasakit dahil sa basaan na iyan? Anyways, cute ng Tala challenge ninyo.”

Ang Buling Buling o Bulingan ay tradisyonal at intensyonal na pagsasaboy ng tubig sa bawat isa, hudyat ng pagpasok ng Lenten season. Kumbaga, parang katuwaan lamang. Noong una, mas marami umanong basaan ang nagaganap dahil walang pinipili ang mga nagsasaboy ng tubig. Bata, matanda, dalaga, binata, at lahat ng mga dumadaan sa kalye ay walang ligtas.

Sa paglipas ng panahon, mangilan–ngilan na lamang umano ang gumagawa nito. Minsan kasi ay nagiging sanhi ito ng kaguluhan o kaya ay may mga nasasaktan dahil sa hindi magandang paraan ng pangbubuling.

Loading…