Tricycle driver, handang sumunod sa public transport ban kung may supply sila ng pagkain

  • Tricycle driver sa Maynila nanawagan ng ayuda sa gitna ng public transport ban
  • Kahit bawal ay patuloy ang pamamasada ng tricycle driver dahil walang ibinibigay na pagkain ang kanilang barangay
  • Handa umano siyang sumunod sa quarantine kahit isang buwan kung may supply ng pagkain

Lubos na naapektuhan ang hanapbuhay ang mga namamasada ng mga bus, jeep at tricycle dahil sa ipinatutupad na suspensyon ng public transportation sa buong Luzon dahil sa umiiral na enhanced community quarantine.

Screenshot mula sa GMA video

Halos lahat ng mga drivers na ito ay sa pamamasada lang umaasa ng pang-araw-araw na kita para sa mga pangangailangan ng pamilya, kaya ang ilan sa kanila ay namamasada pa rin kahit ipinagbabawal na para lang may pambili ng makakain.

Ganito ang sitwasyon ng isang tricycle driver sa Maynila na kinilalang si Darwin Lorenzo. Siyam ang anak niya kaya problemado siya kung saan kukuha ng pangangailangan ng pamilya niya. Sabi niya alam niya na bawal nang mamasada, pero wala siyang magawa kundi patuloy na bumiyahe.

“Anong kakainin namin? Saka tanggap naman po namin. Ang problema lang po namin, walang supply na dumarating mula sa barangay,” aniya.

Kung maaalala, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte nang magdekalara siya ng enhanced community quarantine at total ban sa public transport, na bahala ang mga barangay sa mga pangangailangan ng mga nasasakupan.

Screenshot mula sa GMA video

Sinabi rin ng Pangulo na ang mga tauhan ng Department of Social Welfare and Development ay maglilibot upang tumulong sa mga taong nagugutom.

Ayon kay Darwin, handa siyang sundin ang isang buwang enhanced community quarantine kung sigurado na mabibigyan sila ng pagkain sa llob ng panahong iyon.

“Kahit na isang buwan pa iyan, basta may supply ng pagkain ayos lang sa amin,” aniya.

Loading…