Tulong para sa frontliners: Sarah Lahbati namahagi ng sanitizers at canned goods sa mga health workers at nawalan ng trabaho

  • Nag-donate si Sarah Lahbati ng relief goods at sanitation kits para sa frontliners
  • Nagpasalamat si Sarah sa lahat ng mga patuloy na nagtatrabaho sa kabila ng kinahaharap ng bansa
  • Inanunsiyo rin niya na marami pang darating na tulong para sa mga health workers at iba pang frontliners

Sa panahon ng pangangailangan, lumalabas ang tunay na ningning ng mga bituin ng showbiz. Mula sa pagiging celebrities na hinahangaan ng marami dahil sa kanilang mga proyekto sa pelikula at telebisyon, marami na ngayon ang nagbibigay ng kanilang papuri sa mga artista na patuloy na gumagawa ng paraan para makatulong sa kanilang kapuwa.

Isa sa mga celebrity na nagbigay ng ayuda sa mga frontliners at nawalan ng trabaho dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) ay ang StarStruck alumna at Kapamilya star na si Sarah Lahbati. Ipinakita ni Sarah sa kanyang Instagram account ang napakaraming tulong na ipinaabot niya sa mga manggagawa sa mga pagamutan, mga driver, at mga nawalan ng pagkakakitaan.

Larawan mula sa Instagram account ni Sarah Lahbati

Ipinabatid ni Sarah na naipadala na sa mga pagamutan ang unang batch ng kanyang handog na all purpose cleaning sanitizers. Mayroon din siyang ipinamahaging relief goods para sa mga drivers na patuloy daw na nagtatrabaho sa kabila ng ECQ at para sa mga nawalan din ng pagkukunan ng kita.

“First batch of supplies were delivered today. Gallons of all purpose cleaning sanitizers for h0spitals, Canned goods para sa mga drivers na patuloy na nagtratrabaho or nawalan ng trabaho,” pahayag ni Sarah sa kanyang post.

Pahayag ng soon-to-be wife ng kapuwa Kapamilya star na si Richard Gutierrez, marami pa raw na darating na medical supplies at pagkain na kanilang ipamamahagi pa sa mga frontliners. Nagpapasalamat din siya sa mga nag-donate at nagpadala ng tulong upang maging matagumpay ang kanyang proyekto.

“Waiting for medical supplies and more food to arrive hopefully soon so we can ship to more hospitals and people in need. Will continue distributing tomorrow. Thank you all for the help and donations,” pagpapatuloy ni Sarah.

Larawan mula sa Instagram account ni Sarah Lahbati

Nagpasalamat din si Sarah sa mga hindi tumitigil sa pagtatrabaho sa kabila ng kinahaharap na suliranin ng ating bansa kabilang na ang mga health workers, guards, drivers, grocery at pharmacy clerks, mga magsasaka, at iba pang manggagawa na nagbibigay serbisyo sa mga Pilipino.

Matatandaang nakatakda sanang ikasal sina Sarah at Richard noong Marso 14 ngunit hindi natuloy dahil sa pandemic na kinahaharap ng mundo at pagpapatupad ng community quarantine sa Luzon.

Loading…