Tunay na social distancing: Isang pamilyang magkakahiwalay talaga sa bahay habang nanonood ng TV, trending

  • Trending ang isang pamilyang may kakaibang paraan para sunding ang social distancing
  • Nakaupo kasi sa haligi ng bahay ang ilang miyembro ng pamilya para mapanindigan ang kanilang social distancing
  • Marami namang netizens ang na-good vibes sa larawang ito ng pamilya

Kabilin-bilinan ng mga opisyal ng ating pamahalaan, dapat daw ay lagi nating ipatupad ang social distancing. Sa ganitong paraan daw kasi ay maiiwasan ang hawaan ng C0VID-19. Kaya naman sa mga pamilihan, sasakyan, at kahit saan ngayon ay maraming Pilipino ang nagpapatupad nito.

Pero ang isang pamilya, kahit nasa loob ng bahay ay tuloy-tuloy daw sa pagso-social distancing.

Ibinahagi ng Facebook page na Kagay-an ang larawan ng isang mag-anak na kinareer ang paghihiwa-hiwalay sa loob ng bahay habang nanonood ng K-drama.

Larawan mula sa Facebook page na Kagay-an

Makikita ang miyembro ng isang pamilya na nakasampa sa itaas na bahagi ng haligi ng kanilang bahay habang nakatutok sa trending Korean series na ‘Crash Landing On You’ (CLOY). Apat na miyembro ng pamilya ang sitting pretty sa kahoy sa itaas na bahagi ng kanilang bahay habang ang ilan naman ay nasa ibabang bahagi at normal na nanonood.

Masunurin din ang pamilya dahil habang nagso-social distancing, nakasuot din sila ng face mask, kahit ang iba ay mga panyo at face towel lamang na ibinuhol sa kanilang leeg. Agad namang nag-trending sa social media ang post na ito.

Habang isinusulat ang istoryang ito, nasa 15 oras pa lamang naka-upload ang larawan ngunit napakarami na agad nitong reactions at shares. Sa kasalukuyan, mayroon na itong 3,700 reactions na karamihan ay ‘haha,’ 300 comments, at 4,400 shares.

Marami naman ang nagpasalamat sa good vibes na hatid ng mag-anak na tinaguriang ‘pamilyang social distancing.’ Sabi nila, kahit daw sa panahon ng sakuna, hindi pa rin umano nawawala ang pagiging masiyahin nating mga Pinoy.

Larawan mula sa Pexels

“Hahaha. GV lang! Walang tatalo sa Pinoy community quarantine! Hindi lahat pasaway. Yung iba madiskarte at sumusunod,” pahayag ng isang netizen.

Sabi naman ng isang nagkomento, baka raw may lahing paniki o butiki ang pamilyang ito dahil hindi sila nahuhulog sa kanilang pagkakaupo sa haligi ng kanilang mga bahay.

Loading…