Unang human-to-animal transmission ng COVID-19 naitala sa Hong Kong

  • Kinumpirma ng mga health experts sa Hong Kong ang unang human-to-animal transmission ng COVID-19
  • Isang pomeranian na alaga ng isang COVID-19 patient ang nagpositibo sa coronavirus
  • Kasalukuyang naka-quarantine ang aso at hindi ibabalik sa may-ari hangga’t ‘di ito nagnenegatibo sa sakit

Kinumpirma ng mga health authorities sa Hong Kong nitong Miyerkules, ika-4 ng Marso, na ang asong alaga ng isang pasyenteng mayroong coronavirus (COVID-19) infection ay nagpositibo sa virus.

Imahe mula sa SCMP

Tinawag ito ng mga eksperto bilang isang “low-level infection” na posibleng kauna-unahang kaso ng human-to-animal transmission ng COVID-19.

Ang pomeranian na alaga ng 60-year-old COVID-19 patient ay ilang ulit nagkaroon ng resultang “weak positive” matapos ang serye ng pagsusuri simula pa noong nakaraang linggo nang isailalim ito sa quarantine.

Pinaniniwalaang isang “surface contamination” ang sanhi ng pagkakaroon ng COVID-19 ng Pomeranian kung saan posibleng napadaiti o napadikit ang ilong at bibig ng aso sa mga bakas ng virus. Mananatili ang aso na naka-quarantine sa Agriculture, Fisheries and Conservation Department para sa mga susunod pang pagsusuri.

Hindi muna ibabalik sa may-ari ang aso hangga’t hindi pa ito nagnenegatibo sa sakit.

“It is positive to tests and has been infected, so it is now quarantined in a center by the department. Further tests will be conducted and it will not be released until the tests return negative results,” pahayag ng health minister na si Sophia Chan Siu-chee.

Imahe mula sa MSNews

Nagbigay din ng paalala ang Agriculture, Fisheries and Conservation Department sa mga pet owners na wala silang dapat ipag-alala  sa kasong ito ng human-to-animal transmission. Hindi umano dapat abandonahin ang mga alaga. Ang kailangan lang ay panatilihin ang “good hygiene practices.”

Loading…