Video ng “Sulat ng isang frontliner,” umantig sa puso ng mga netizens

  • Madamdaming binasa ng isang frontliner ang isang “sulat” para sa lahat
  • Pinakiusapan niya ang lahat na makiisa sa enhanced community quarantine
  • Ito ay upang hindi mawala ang saysay ng kanilang mga sakripisyo upang labanan ang pandemya

Kinikilala ngayon bilang mga bayani ang mga “frontliners” o mga taong literal na isinasakripisyo ang kanilang pansariling kaligtasan sa kalusugan upang masugpo ang Coronavirus Disease 2019 o COVID–19 sa pamamagitan ng pagtatrabaho upang mapagsilbihan ang mga pasyente sa ospital, o maging ang mga simpleng mamamayan na nasa kani–kanilang mga tahanan dahil sa Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon.

Kung ipinaaabot ng lahat ang kanilang papuri at pasasalamat sa mga frontliners, may mensahe rin ang mga frontliners para sa mga tao, lalo na ang “matitigas” ang ulo na patuloy na lumalabas pa rin ng kani–kanilang mga tahanan at sumusuway sa direktiba ng kanilang mga barangay officials. Mapapanood ang isang video na naglalaman ng “sulat ng frontliners” sa isang Facebook page na “Buhay Lespu”.

Imahe mula sa Facebook page na Buhay Lespu

“Mabuti ka pa… nasa bahay; sa natutulog mong anak, ikaw ang nakadantay. Ramdam ng pamilya mong sila ay may karamay… samantalang kami… isang paa ang nasa hukay. Ewan ko ba kung bakit ang daming nagrereklamo… na tila ang bahay nila, tila isang impiyerno, na kahit anong bawal, ipipilit ang gusto. Naisip ko tuloy: sulit ba ang pagod ko?” ayon sa pagsasalaysay ng lalaking emosyunal sa video na kabilang sa mga frontliners.

Sa pagpapatuloy, “Sulit ba ang magsalba ng buhay ng iba? Sulit bang harapin ang isang kalabang hindi namin nakikita? Kalabang maaaring nasa loob ko na at pinipigilan kong sa iyo ay hindi maipasa. Bago ka magreklamong sawa ka na sa sardinas, na dahil walang night life, parang ikaw na ang pinakamalas… gusto kong malaman mo ang hirap na dinaranas ng mga nakikibaka para ika’y mailigtas.”

Sa panghuli, pinakiusapan ng naturang frontliner na ang tulong na maibibigay ng bawat isa ay huwag nang lumabas sa kani–kanilang mga bahay upang maging matagumpay ang layunin ng community quarantine na hindi na maipasa at maipalaganap ang COVID–19.

Public Domain Image

Umani naman ito ng iba’t ibang komento mula sa mga netizens at nakisimpatya para sa mga frontliners.

“We salute po sa lahat ng frontliners na nakikibaka para magampanan ang sinumpaang tungkulin at sa mga pasaway na Pinoy sana makita ninyo ang mga sakripisyo nila para sa atin at sa mga pamilya nating lahat, sana huwag matigas ang ulo ninyo, be safe always and GOD bless you all!,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Let us do our part as citizens of this country. JUST FOLLOW THE MANDATES OF ECQ.
Our frontliners are struggling emotionally and physically. THEY ARE RISKING THEIR LIVES. Huwag sanang mauwi sa wala ang kanilang mga sakripisyo.”

“Let’s cooperate and be responsible to our actions to avoid contamination. Don’t get mad to them because they are just following orders and protocols. GOD BLESS TO ALL FRONTLINERS. My gratitude will be put into prayers,” panawagan naman ng isa.

Itinuturing na frontliners ang mga health workers na nasa medical field, pulis, sundalo, mga janitor at maintenance staff na naglilinis at nagdidis–infect, mga security guards, mga barangay volunteers, mga kahera, bagger, at staff ng mga supermarket at grocery stores.

Nariyan din ang mga staff ng remittance centers, fast food chains, empleyado ng bangko, at iba pang mga trabahong kinakailangan upang patuloy na umandar ang pamumuhay ng lahat sa kabila ng ECQ. Sa lahat ng mga frontliners, mabuhay po kayo!

Source :

Facebook

Loading…