
- Nilagdaan na ni Pangulong Duterte ang isang proklamasyon na nagdedeklara ng state of public health emergency sa buong bansa kaugnay ng COVID-19
- Sa ilalim ng public health emergency ay walang sinuman ang maaaring mag-resist sa quarantine
- Mananatiling nakataas ang state of public health emergency hangga’t hindi ito binabawi ng Pangulo
Walang sinuman ang may karapatang tumanggi o mag-resist sa quarantine sa ilalim ng public health emergency, ayon sa Department of Health.

May karampatang parusa na haharapin ang tatanggi na magpa-quarantine ngayong napirmahan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang proklamasyon na nagdedeklara ng state of public health emergency sa buong bansa dahil sa novel coronavirus (COVID-19).
Ang Proclamation No. 922 ay nilagdaan ni Pangulong Duterte noong Linggo, ika-8 ng Marso, at mananatili ito hanggang hindi niya ito binabawi.
“’Yung mga magre-resist hong mag-quarantine, wala na silang karapatang mag-resist ngayon,” sabi ni DOH Assistant Secretary Maria Rosario Vergeire.
“May karampatang sanctions po kapag ganito. Meron tayong mga protocols. Itong state of public health emergency would give the government more authority with regards to this procedure,” aniya.
Ang deklarasyon ni Pangulong Duterte ng public health emergency ay ayon sa rekomendasyon ng DOH, kasunod ng kumpirmasyon na mayroong local transmission ng COVID-19 sa bansa.

“Ang state of public health emergency ay para ma-facilitate ang mobilization ng additional resources para makapag-preposition tayo ng mas maraming logistics. Makakapag-expand tayo ng capacity para mas mapaghandaan natin ang ating sistema kung sakaling dumating tayo sa community transmission na tinatawag natin,” paliwanag ni Asec. Vergeire.
Makatutulong din umano ang deklarasyon ng public health emergency upang maitaas ang awareness ng publiko hinggil sa virus.

Nilinaw ni Vergeire na hindi malalabag ng public health emergency ang procurement laws tulad ng ikinababahala ni Senator Franklin Drilon.
“Walang nakalagay sa batas na ipagtabi natin o balewalain natin ‘yung procurement laws. May bidding pa rin yan,” pahayag ni Sen. Drilon.
“Hindi po, sir. Kahit naka-emergency kahit in the past, we still undergo bidding,” sagot si Vergeire sa senador.