Willie Revillame pinahinto sa pagkanta ang dalagitang contestant; nahabag dahil nagsariling edit ito ng kanyang minus one

  • Pinahinto ni Willie Revillame ang isang dalagitang The Will to Win contestant dahil sa narinig nitong hindi magandang edit sa minus one ng contestant
  • Inakala ni Willie na ang staff niya ang may kagagawan ng hindi maayos na editing ng kanta kaya niya inihinto ang performance ng contestant
  • Napag-alaman namang ang bata lang pala ang nag-edit ng minus one sa kanyang cellphone kaya hindi maayos ang pagkakagawa rito

Madalas ay trending sa social media ang video ng performances sa talent segment ng show ni Willie Revillame na Wowowin. Naipapakita sa segment na The Will to Win ang husay ng mga solo o group performers anumang edad at estado ng mga ito sa buhay.

Kadalasan ay binibigyan ng sapat na oras ang isang contestant upang ipakita ang kanyang talento. Gayunman, sa isang episode ng Wowowin, sa kalagitnaan ng performance ng isang dalagitang si Adah Leosala mula Sorsogon, ay ipinahinto ito ni Willie dahil sa isang aberya.

Larawan mula sa YouTube video ng Wowowin

Rinig na rinig ng musikero ding si Willie ang isang ‘awkward’ note mula sa minus one ni Adah na And I Am Telling You. Inakala ni Willie na ang kanilang show ang mayroong pagkakamali sa ibinigay na piyesa sa bata kaya naman agad siyang pumasok matapos ang ilang linya sa kanta.

“Sandali ha. Unfair sa kanya ‘yan eh. Dapat tama ang pasok n’yo ng music. Mali ang pasok n’yo ng music… Sorry hija… Kawawa tong batang ‘to…” sambit ni Willie na biglang pumasok sa gitna ng pagkanta ni Adah.

Matapos nito ay kinumpirma ni Willie sa bata kung ang pinatugtog ba ng kanilang show ay talagang piyesa niya. Umoo naman si Adah at sinabing iyon nga. Pinatugtog ni Willie ang minus one at agad na napansin ang tila ilang nota sa umpisa ng kanta na hindi magandang pakinggan.

Naitanong din ni Willie kung sino ang nag-edit at paano pinaikli ng bata ang kanyang minus one. Dito na inamin ni Adah na sa kanyang cellphone lamang in-edit ang kanyang ginamit na minus one. Natawa naman si Willie at sinabing kaya pala ganoon ang kinalabasan dahil hindi wasto ang pag-eedit.

Larawan mula sa YouTube video ng Wowowin

Ngunit sinabi ng host na dapat intindihin ang kalagayan ni Adah dahil batid niyang wala itong sapat na pera upang umarkila ng mag-eedit. Nakahinga rin nang maluwag si Willie at sinabing buti na lamang daw at hindi kasalanan ng kanyang staff ang nangyari.

Nakakanta namang muli si Adah sa tulong na ng live band ng Wowowin. Inalalayan ni Willie ang contestant upang makasabay ito sa key ng banda na napahanga naman ang audience sa napakahusay na pagbirit ni Adah.

Panoorin ang episode na ito ng Wowowin:

Loading…