Yorme at paranormal investigator Ed Caluag tinuklas ang misteryo ng Maynila pagkagat ng dilim

  • Misteryo ng Maynila pagkagat ng dilim, tinuklas ni Yorme
  • Kasama ni Mayor Isko Moreno ang paranormal investigator na si Ed Caluag sa pagtuklas ng mga kababalaghan sa Maynila
  • May kakaibang naramdaman si Ed Caluag sa clock tower ng Manila City Hall

Ang pamamasyal o traveling ay hindi lang ang pagbisita sa mga beaches, amusement parks at naglalakihang shopping malls. Minsan ay may sundot din sa puso ang pamamasyal lalo na kung ang lugar na binibisita ay may mapait na nakaraan o madilim na kasaysayan.

Screenshot mula sa KMJS video

Ang tawag sa ganito ay “dark tourism.” Medyo nakakatakot mang pakinggan, ang dark tourism ay karaniwan nang ginagawa ng mga turista tulad ng pagbisita sa mga museo at mga makasaysayang libingan.

Sa Pilipinas ay buhay na buhay ang dark tourism. Isa ang Lungsod ng Maynila sa mga lugar sa bansa na may makasaysayang nakaraan. May mga lugar dito na nababalot ng misteryo na madalas nababanggit sa mga kwento ng kababalaghan.

Ang mga misteryong ito ang sinubukang tuklasin ni Mayor Isko Moreno sa tulong ng paranormal expert na si Ed Caluag at ng programang “Kapuso Mo, Jessica Soho.”

Una nilang tinungo ang Fort Santiago sa loob ng Intramuros na kalian lang ay binuksan sa publiko ang kailaliman nito o ang mga dungeons. Nagsilbi itong kulungan at barracks ng mga Hapon noong WWII. Sa mga dungeons na ito natagpuan ang mahigit anim na raang mga labi ng tao.

Screenshot mula sa KMJS video

Ayon kay Ed Caluag, may nararamdaman siyang presensya sa dungeons. Nakaririnig umano siya ng mga daing at ungol.

“Ito po ‘yung mga souls na maaaring nandiyan pa dahil hindi nila matanggap kung ano ang nangyari sa kanila,” anang paranormal investigator.

Kung ang mga turista raw na bibisita sa Fort  Santiago ay mag-aalay ng dasal sa mga kaluluwa ay matatahimik na ang mga iyon.

Sunod nilang inimbestigahan ang Jones Bridge na noong 1920 pa naitayo. Dinarayo na ito ngayon ng mga turista matapos ibalik ni Mayor Isko ang dating ganda nito.

Screenshot mula sa KMJS video

Ayon kay Ed Caluag, may mga nararamdaman siyang kaluluwa ng babae sa tulay. Posible raw na tumalon noon sa ilog Pasig ang babae. Sinegundahan naman ito ng mga naninirahan malapit sa tulay na nagsabing may nagpapakitang multo doon. Kinumpirma din ng pulisya na may mga naitala silang mga tao na napahamak sa Jones Bridge.

Huli nilang tinungo ang Manila City Hall na ang lupang kinatitirikan ay dati palang sementeryo. Nawasak ang gusali noong WWII.

Screenshot mula sa KMJS video

Kuwento ni Yorme, ang ilang staff ng City Hall ay may mga nararamdamang kakaiba sa loob ng gusali pagkagat ng dilim. Maging siya ay nakararamdam din daw na presensya.

“Minsan feeling mo parang may kasama ka,”  sabi ni Yorme.

Sa clock tower ng city hall ay may naramdaman si Ed Caluag.

Panoorin at alamin ang misteryo sa clock tower ng Manila City Hall sa video ng KMJS:

YORME ISKO MORENO AT ED CALUAG, NAGSANIB-PUWERSA PARA TUKLASIN ANG MISTERYO NG MAYNILA!

YORME ISKO MORENO AT ED CALUAG, NAGSANIB-PUWERSA PARA TUKLASIN ANG MISTERYO NG MAYNILA!Mayor Isko Moreno at Ed Caluag, kasama siyempre si Ms. Jessica Soho, nilibot ang tourist spots sa Maynila na may malagim na nakaraan! Ano kaya ang nakita nila rito?

Posted by Kapuso Mo, Jessica Soho (One at Heart, Jessica Soho) on Sunday, March 8, 2020

 

Loading…