13th month pay ng public school teachers ibibigay na sa May 15, 2020, performance-based bonus nakahanda na rin

  • Nakatakda nang i-release ang 13th month pay ng public school teachers sa May 15, 2020
  • Ang P6,000 clothing allowance at performance-based bonus ng mga guro ay inihahanda na rin
  • Magkakaroon din ng extension ang loan terms ng mga gurong may utang

Nakahanda nang i-release ang 13th month pay ng mga guro sa pampublikong paaralan sa susunod na buwan, ayon sa  opisyal ng Department of Education.

Imahe mula sa NEDA

Sa Laging Handa public briefing, inanunsyo ni DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla ang magandang balita na ang 13th month pay ng  mga guro ay maibibigay na sa ika-15 ng Mayo.

“Ang ating 13th month pay ay atin na rin pong pinoproseso at ready na rin po for release by May 15,” ani Usec. Sevilla.

Sinabi pa ng Education undersecretary na nauna na nilang na-release ng advance ang pasahod sa mga DepEd employees para sa buwan ng Marso at Abril upang makaagapay sila sa financial impact ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine sanhi ng COVID-19 crisis.

Ang clothing allowance ng mga guro na nagkakahalaga ng P6,000 ay ipinamamahagi na rin, ayon pa rin kay Usec. Sevilla.

Kasalukuyan na ring pinoproseso ang sweldo ng mga guro para sa buwan ng Mayo.

“We have already released all salaries for March and April. Yung May is processing narin ngayon. ‘Yung clothing allowance na Php 6,000 per employee ay nakuha narin ng ating mga empleyado,” aniya.

Imahe mula sa DepEd Tambayan

Gayundin, ang performance-based bonus para sa mga guro ay inihahanda na ring ibigay, na ang ilan ay naipamahagi na umano sa ibang rehiyon.

Nakipag-ugnayan din ang DepEd sa mga kinauukulang sektor upang magpatupad ang mga ito ng moratorium sa salary deductions ng public school teachers dahil sa loans. Sinabi ni Usec. Sevilla na magkakaroon ng extension ang loan terms.

“Dadagdagan natin ang loan term, hindi sila mag-aalala. Kung ang inyong loan ay naka-encode sa ating database, kami ay mag-e-extend ng loan term nito,” mensahe ni Sevilla sa mga guro.”

Imahe mula sa DepEd

Loading…