2 manggagawa, nanlilimos na matapos mawalan ng trabaho dahil sa ECQ

Imahe mula sa Twitter | Isay Reyes
  • Nawalan ng hanapbuhay sina Edwin Llagas at Grejie Lemosnero nang ipatupad ang enhanced community quarantine sa Luzon
  • Dahil dito ay nagpalaboy sila sa daan at nanghingi ng limos upang makapagpadala sa kanilang pamilya sa probinsya
  • Hiling nila, sana ay tulungan silang makauwi sa kanilang probinsya

Humihingi ng tulong ang dalawang lalaki na nawalan ng hanapbuhay nang ipatupad ang enhanced community quarantine sa Luzon. Ngayon ay nagpapalakad-lakad na lamang sila sa kalsada sa Quezon City at umaasang may magbibigay sa kanila ng limos.

Imahe mula sa Twitter | Isay Reyes

Nakilala ng ABS-CBN News sina Edwin Llagas, construction worker at Grejie Lemosnero, isang crew sa restaurant. Kwento ni Llagas, nagtatrabaho siya bilang construction worker sa Cavite ngunit natigil ang kanilang gawa dahil sa ECQ.

“’Pag sabi ni Duterte na ila-lockdown, wala na, tapos na ang trabaho. Nagsabi kami doon sa driver baka pwede ninyo kaming ihatid sa pwedeng matulugan, yung safe lang. Dito kami ihinatid sa Centris station,” ani Llagas sa isang panayam sa ABS-CBN. Mula raw noon ay sa foot bridge na siya natutulog.

Balak sana niyang humanap ng trabaho ngunit habang natutulog isang gabi ay nasalisihan siya at natangay maging ang kaniyang mga mahahalagang dokumento.

Imahe mula sa YouTube | ABS-CBN News

Upang kahit papaano ay may maipadala sa kaniyang mag-ina ay nanlilimos na si Llagas. Panalangin niya rin na sana ay makauwi na siya sa kaniyang pamilya sa Cagayan de Oro dahil hindi na rin naman siya makahahanap ng trabaho ngayon.

Sa kalsada niya nakilala si Lemosnero, taga Davao, na nagpapalakad-lakad na rin sa daan matapos na mawalan ng trabaho.

“[Nagkakasugat ako] sa hita po, sa singit kasi sa paglalakad po… Kakalakad po masakit, hindi ko na kaya eh,” sabi ni Lemosnero.

Hiling nila, sana ay tulungan silang makauwi sa kanilang probinsya. “Sana ho makauwi kami. Natatakot na rin ako rito. Baka mamaya maging pulubi na talaga,” ani Llagas.

Maaari silang abutan ng tulong sa pamamagitan ng pagtext o pagtawag sa 09053689467 o 09517475470.

Loading…