44 Chinese nationals dinampot dahil sa ilegal na POGO operation sa loob ng bahay sa Parañaque

  • Dinampot ng mga awtoridad ang 44 Chinese nationals at 9 na Pilipino dahil sa illegal POGO operation sa Parañaque
  • Ang operasyon ng awtoridad ay bunsod ng tip mula sa isang concerned citizen
  • Nakumpiska sa mga suspek ang P1.335 miilion cash, limang baril at 53 computers

Nadiskubre ng mga awtoridad ang ilegal na operasyon ng isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa loob ng isang malaking bahay sa Parañaque City noong Biyernes, ika-24 ng Abril na nagresulta sa pagkakadakip sa 44 Chinese nationals at 9 na Pilipino.

Imahe mula sa Remate

Ang isinagawang operasyon ng mga awtoridad ay bunsod ng impormasyon na ibinigay ng isang concerned citizen hinggil sa diumano ay isang grupo ng mga armadong kalalakihan na namataan sa kahabaan ng NAIA Road.

Ayon kay Parañaque PNP Chief P0lice Col. Robin King Sarmiento, nakita ng mga rumespondeng pulis ang grupo ng mga kalalakihan at nilapitan nila ang mga iyon.

Aniya, nang lapitan nila ang mga suspek upang alamin kung totoong armado ang mga iyon ay agad daw na nagpulasan ng takbo ang mga lalaki papasok sa isang residential house sa loob ng Mayuga Compound sa Barangay Tambo.

Nang sundan nila ang grupo ay tumambad sa kanila ang mga POGO workers sa loob ng bahay.

Sinabi ng mga Chinese nationals at mga Pinoy na mga empleyado sila ng  Skyluck Corp, Skydragon Global Technology, Dragon Wealth System at Dragon Global, subalit napag-alaman ng mga awtoridad na wala ang mga kumpanyang ito sa listahan ng mga rehistradong POGOs sa Parañaque City.

Imahe mula sa News5

Narekober sa loob ng bahay ang 36 laptops, 17 desktop computers, P1,335,000 cash at limang armas.

Nahaharap sa patung-patong na mga kaso ang mga suspek, kabilang na ang paglabag sa quarantine protocols na ipinatutupad sa gitna ng health crisis sa bansa.

Loading…