4Ps beneficiaries sa Gumaca, ibinalik ang natanggap na tulong sa ilalim ng SAP

Imahe mula sa Facebook | We Love Gumaca
  • Dahil maraming mga kabuhayan ang naapektuhan ng enhanced community quarantine ay umaasa ang ilang mga mamamayan na makatatanggap sila ng ayuda mula sa gobyerno
  • Ang ilang mga residente sa Gumaca, Quezon, doble ang natanggap na tulong dahil bukod sa pagiging benepisyaryo ng 4Ps ay nabigyan din sila ng pera sa ilalim ng SAP
  • Kahit nangangailangan din ay ibinalik nila ito nang sa gayon ay marami pang mga kababayan ang maabutan ng tulong

Apektado ang kabuhayan ng maraming mga Pilipino ngayon dahil sa umiiral na enhanced community quarantine kaya naman umaasa sila na makatatanggap ng ayuda mula sa gobyerno.

Imahe mula sa Facebook | We Love Gumaca

Sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One law ay naglunsad ang pamahalaan ng Social Amelioration Program (SAP) upang mabigyan ng cash assistance ang mga pinakanangangailangan. Priority rito iyong mga walang natatanggap mula sa iba pang mga programa ng gobyerno.

Ngunit sa Gumaca, Quezon, ilang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nakatanggap din ng P6,500 mula sa SAP.

Sa kabila ng matinding pangangailangan lalo na at wala pang kasiguraduhan kung kailan tuluyang maibabalik sa normal ang pamumuhay ay hindi sila nasilaw dito. Ibinalik nila sa tanggapan ng Municipal Social Welfare and Development Office ang pera mula sa SAP.

Imahe mula sa Facebook | We Love Gumaca

Sa Facebook page ng We Love Gumaca ay kinilala ang mga tapat na residente na sina Norberto Bondoy, Jean Berdiz, at Marlon Tarasona . May isa pang hindi pinangalang residente ng Villa Perez ang nagbalik din ng tulong na natanggap.

Nais daw ng mga ito na marami pang naghihikahos ang mabigyan din ng tulong ng gobyerno.

Dahil dito ay nagpasalamat sa kanila ang pamahalaan ng Gumaca. Umaasa raw sila na maging inspirasyon ang mga ito na hindi hadlang ang krisis upang panatilihin ang kagandahang loob.

“Tunay na sa gitna ng kagipitan, nangingibabaw pa rin ang kabutihang loob ng ating mga kababayan. Nawa’y magsilbing inspirasyon ito upang ipagpatuloy natin ang ating pagtutulungan at malasakit sa kapwa sa panahong tayo ay sinusubok ng pagkakataon,” anila sa We Love Gumaca page.

Loading…