Abogadong doktor nais pasukin ang legal medicine para sa bayan

  • Doctor na kapapasa lang sa Bar Exam, nais pasukin ang legal medicine
  • Pag-iisahin niya ang kaalaman sa batas at medisina para pagsilbihan ang bansa
  • Aniya, “I wanted to be that for the people.”

Bumibilib tayo sa kagalingan ng mga propesyonal kagaya ng doktor at abogado. Mas lalo na siguro sa lisensyadong medical doctor at abogado pa na may malasakit sa bayan!

Image by John Kelly Cainday via Facebook

Pagbabahagi ng GMA News, isa si Dr. John Kelly Cainday sa kapapasa lamang sa 2019 Bar Exams na inanunsyo ngayong Linggo ang resulta.

Sinabi ni Cainday na nais niyang pasukin ang mundo ng legal medicine para pag-isahin ang kanyang kaalaman sa dalawang larangan habang pinagsisilbihan ang bansa.

“As a lawyer, you can still practice pagiging doctor. You can be a lawyer sa medical field na kailangan ng legal expertise,” sabi niya.

Tumutukoy ang legal medicine, ayon sa MedicineNet, sa parte ng medisina na tumatalakay sa aplikasyon ng kaalamang medikal sa mga problema at prosesong legal.

Nasabi rin ni Cainday na nais niyang magamit ang kaalaman para sa mga tao at umaasang makatutulong sa pagbalangkas ng mga polisiya at pag-intindi sa mga proyekto ng Kagawaran ng Kalusugan.

Aniya, ninais niyang maging abogado at doktor dahil ang mga doktor ang nilalapitan ng mga tao para magamot sila at abogado naman para sa kaligtasan.

Sabi niya, “I wanted to be that for the people.”

Habang hinihintay ang oathtaking bilang abogado, sinabi niyang babalik siya sa Eastern Samar para pagsilbihan ang kanilang bayan sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Batay sa kanyang LinkedIn account, nagtapos siya ng BS Clinical Laboratory Science sa University of Sto. Tomas noong 2009 at Doctor of Medicine noong 2013 sa parehong paaralan.

Ipinagpatuloy niya ang pag-aaral. Kumuha siya ng Doctor of Law sa Centro Escolar University na siya nitong natapos noong 2019.

Image by John Kelly Cainday via LinkedIn

At ngayong taon, isa siya sa 2,103 na nakapasa sa Bar Exam.

Binabati ka namin sa iyong tagumpay at nawa’y maisakatuparan ang iyong magagandang balakin, Dr. at Atty. John Kelly Cainday.

Imahe mula sa PhilNews

Loading…