AFP chief sumulat sa Chinese envoy upang direktang makabili sa China ng panlunas sa COVID-19

  • AFP Chief of Staff sumulat sa Chinese ambassador upang direktang makabili sa China ng panlunas sa COVID-19
  • Naniniwala si Gen. Felimon Santos na ang ininom niyang Carrymicin tablets na sa China lang mabibili ay nakatulong sa pagrekober niya mula sa COVID-19
  • Binawi na ng heneral ang kanyang sulat matapos kumalat sa social media ang kopya nito
  • Sabi ng National Defense Secretary ay walang regulasyon na nilabag ang pagsulat ng AFP chief sa Chinese ambassador

Inamin ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff General Felimon Santos, Jr. na lumiham siya kay Chinese Ambassador to the Philipines Huang Xilian upang magpatulong dito na direktang makabili sa China ng panlunas sa COVID-19.

Imahe mula sa PNA

Agad daw binawi ni Gen. Santos ang sulat nang malaman niya na hindi pa rehistrado ang nasabing medisina bilang panlunas sa COVID-19.

Ayon kay Gen. Santos, ang sulat niya na ipinadala kay Ambassador Huang Xilian ay binawi niya noong Linggo, ika-26 ng Abril, nang malaman niya na hindi pa aprubado ng Philippine Food and Drug Authority ang Carrimycin tablets na sa China lang mabibili.

Ang AFP Chief of Staff ay dinapuan at nakarekober na mula sa COVID-19 infection. Naniniwala siya na nakatulong sa kanyang paggaling ang Carrimycin tablets na inirekomenda sa kanya ng kaibigang Filipino-Chinese. Ang paggamit nito ay may pahintulot umano ng kanyang doktor.

Umorder umano siya ng limang kahon ng tabletas upang matulungan ang mga kaibigang nahawahan ng virus.

“I believe that the said medicine helped in my recovery from the coronavirus disease 2019 (COVID-19) infection and I intend to give the said drug to my close friends who have also been infected,” saad ng liham niya kay Ambassador Huang Xilian na ang kopya ay kumalat sa social media.

Imahe mula sa PNA

Ayon kay National Defense Secretary Delfin Lorenzana, wala siyang nakitang mali sa ginawa ni Gen. Santos na gusto lang matulungan ang mga kaibigang infected ng COVID-19 sa pamamagitan ng medIsina na pinaniniwalaan niyang nagpagaling sa kanya.

Sabi pa ni Sec. Lorenzana, walang regulasyon na nilabag ang pagsulat ng AFP chief kay Ambassador Huang Xilian. Hindi rin umano nalagay sa alanganin ang seguridad ng bansa dahil sa liham at walang conflict of interest na nangyari.

Gayun pa man, sinabi ng defense chief na wala sa lugar ang sulat ni Gen. Santos dahil ang mga ganoong uri ng liham ay dapat ipinadaraan sa Department of Foreign Affairs.

Si Muntinlupa Representative Ruffy Biazon at Civil Service Commisioner Atty. Aileen Lizada ay kabilang sa mga nagsabing mali ang ginawa ng AFP chief.

Screenshot mula sa ABS-CBN video

Loading…