Agriculture group, nanawagan sa DA na ibigay sa Luzon ang sobrang suplay ng karneng baboy sa VisMin

  • Nanawagan ang isang grupo sa DA na dalhin sa Luzon ang sobrang suplay ng karneng baboy mula sa VisMin
  • Makatutulong daw ito upang maging balanse ang suplay sa buong bansa ngayong may ECQ pa sa Luzon
  • Sinabi naman ng isang samahan na kahit may oversupply sa bansa ng karne ay hindi dapat huminto ang produksiyon bilang paghahanda

Isa sa mga binabantayan ng pamahalaan at iba’t ibang samahan ngayon ay ang suplay ng pagkain sa bansa. Ngayong nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang maraming lugar sa Luzon, maraming industriya rin ang hindi nakapagpapatakbo ng negosyo nila nang maayos.

At ang isa raw sa pinakaapektadong sektor ay ang meat industry partikular ang karneng baboy. Kaya naman nananawagan ang isang grupo ng mga agrikulturista sa Department of Agriculture (DA) na ibigay sa Luzon ang sobrang suplay ng baboy sa Visayas at Mindanao.

Larawan mula sa PNA

Inihayag ng grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) na marapat lamang dalhin ng DA sa Luzon ang labis na suplay ng karneng baboy mula sa Mindanao at Visayas upang matugunan ang demand ng karne sa pinakamalaking rehiyon sa bansa na apektado pa rin ng ECQ.

Mas magiging balanse raw ang suplay kung ang mga sobra mula sa VisMin ay maipadadala sa Luzon at magiging punong muli ang stock sa mga supermarket at palengke. Ayon sa Sinag, nasa tatlong buwang suplay daw ang sobra sa mga rehiyon kaya naman hindi malaking kabawasan sa VisMin na ibahagi ito sa Luzon.

“Central Visayas, a central hub for local production, has at least three months of pork surplus while cold storages in Southern Mindanao and some regions in Visayas are filled to capacity with stocks of surplus pork for more than three months,” pahayag ng grupo sa isang panayam.

Lumabas din sa pag-aaral ng Sinag na dumami ang suplay ng baboy sa Visayas at Mindanao dahil sa pagsasara ng mga kainan, maging ang mga tourist spots. Samantala, inihayag naman ng DA na walang dapat ipangamba sa suplay ng karneng baboy at manok sa bansa.

Larawan mula sa PNA

Aminado rin ang DA na may oversupply nga sa Mindanao at Visayas at nakaimbak ang mga ito sa mga cold storage facilities at hindi na nga raw kailangang mag-import pa ng karne ng Pilipinas. Tatagal naman daw hanggang Enero 2021 ang suplay natin ng manok ayon sa DA.

Naglabas din ng panayam ang National Federation of Hog Farmers Inc. na kahit na mayroong oversupply ngayon sa Pilipinas ng baboy ay hindi dapat huminto ang mga farm owners sa produksiyon ng karne upang maging mas handa kung tatagal pa ang pandemic.

Loading…