Airline companies, aalisin ang piso fares dahil sa pandemic; ticket prices maaari daw magmahal dahil sa social distancing

  • Goodbye na muna sa piso fare at iba pang promos kapag bumalik ang serbisyo ng mga airline companies
  • Ipatutupad na raw kasi sa mga paliparan ang social distancing kaya mas kaunti ang maisasakay nito
  • Maaari din daw itong magresulta sa mas mahal na ticket prices sa mga eroplano

Marami sa atin ang kating-kati nang gumala at mapuntahan ang dream destinations natin na kabilang sa bucket list.

Maaaring ito ay nasa ibang bahagi lang ng Pilipinas o ‘di kaya naman ay mga sikat na puntahan sa abroad. Pero dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa banta ng COVID-19, stay at home muna kahit panahon ng bakasyon.

Dahil dito, marami sa atin ang ipinangako sa sariling gagala matapos ang lahat ng ito. Ngunit para sa mga biyaheng-biyahe na, mukhang mas malaking budget ang kailangan dahil iiwas daw muna sa fare promos ang mga airline companies at baka magtaas pa raw ng ticket prices.

Larawan mula sa PNA

Sa isang pahayag ng Air Carriers Association of the Philippines (Acap), magkakaroon daw ng new normal na ipatutupad ang big three airlines na kinabibilangan ng Philippine Airlines, Cebu Pacific, at Air Asia Philippines. Ito raw ay upang maprotektahan ang kanilang crew at mga pasahero na rin sa pandemic.

Isa sa mga mami-miss ng mga parokyano nila ay ang piso fare at middle seats kung saan mas nakamumura ang mga biyahero. Pinag-aaralan na raw kasi ng mga airline companies na 70 percent lang ng kapasidad ng mga eroplano ang kanilang pupunuin sa tuwing biyahe.

Ang panuntunang ito raw ay upang maging posible pa rin ang social distancing sa loob ng eroplano. Mas magiging mahigpit din daw sila sa mga budget carriers kung saan mas dikit-dikit ang pasahero. Dahil mas kaunti ang pasaherong maaaring isakay, maaari din itong magresulta sa mas mataas na pasahe.

Larawan mula sa PNA

Bagama’t pinag-aaralan pa ito, malaki raw ang posibilidad na tumaas ang ticket prices dahil hindi na pupunuin ang mga eroplano. Dahil dito, mukhang sasaluhin ng consumer ang ibang hindi mauukupang upuan at tinatayang nasa 30-50 percent ang magiging dagdag sa presyo ng airline tickets.

Ayon naman sa mga netizens, nasasaktan man daw sila sa balitang ito, ngunit tanggap na nila na magiging ganito talaga ang epekto ng pandemic. Maging ang biyahe raw ng traysikel sa kanila ay nagmahal na, kaya imposibleng hindi ang mga eroplano.

Loading…