Alaala ng kabataan: Ang stadium at announcer na bahagi ng mga ‘astig’ na labanan sa paborito nating anime

  • Nagbalik-tanaw ang mga anime l0vers sa ilang tauhan at lugar sa paborito nilang Gh0st Fighter
  • Marami ang inalala ang stadium at ang announcer ng mga astig na laban nina Eugene at mga kakampi
  • Hanggang ngayon ay alam na alam pa rin ng fans ang boses at mga kaganapan sa nasabing anime

Malaking bahagi ng kabataan ng marami ay ang panonood ng anime. Bago pa maglipana ang mga Korean drama at maraming Pinoy teleserye, minsan munang namayagpag ang mga anime mula sa Japan sa telebisyon sa Pilipinas.

Isa sa mga talaga namang sumikat ay ang Yu Yu Hakusho o mas kilala bilang Gh0st Fighter sa Pilipinas. Hinangaan ang mga bida ng nasabing animated series na kinabibilangan nina Eugene, Dennis, Vincent, at Alfred.

Larawan mula sa Facebook post ni Charles Jeremy

Pero maliban sa mga ito, bumuo rin sa nasabing sikat na anime ang ilang supporting cast at pinangyarihan ng ilang eksena. Sa Facebook page na We are 90s (Kami ang batang 90s), sinariwa ng ilang netizens ang sikat na stadium sa Gh0st Fighter, maging ang babaeng announcer sa bawat maaksiyong labanan.

Nagdala ng nostalgia ang larawan ng stadium na pinagdarausan ng tournament sa nasabing anime. Ibinahagi ni Charles Jeremy ang kuha niyang larawan ng kanilang telebisyon kung saan makikita ang stadium. Ayon sa Fandom Wiki ng Yu Yu Hakusho, ang tawag daw dito ay ang “Dark Tournament Stadium.”

Ngunit nang makarating sa Pilipinas ang anime, binago ang tawag sa nasabing tournament. Tinawag na lamang itong Toguro Tournament, alinsunod sa pangalan ng mortal na kalaban ni Eugene na si Toguro na siya ring nagpaumpisa ng labanan.

“Tapusin! Tapusin! Tapusin!” ito ang caption ni Charles sa kanyang post dahil ang mga nanonood na halimaw ay ito ang madalas isigaw sa mga naglalaban na hindi nila gusto, lalo na sa koponan nina Eugene.

At hindi mabubuo ang Toguro Tournament kung wala ang pinakasikat na announcer sa nasabing series. Isang halimaw din na announcer ang bumuo sa kabataan ng marami na mayroong iconic na boses. Ayon sa Fandom Wiki pa rin ng Yu Yu Hakusho, Koto raw ang pangalan ng nasabing announcer.

Larawan mula sa Fandom Wiki

Lingid rin sa akala ng marami, hindi isang pusa si Koto kung hindi isang babaeng rabbit. Tumatak siya dahil sa dubbed niyang matinis na boses. Maihahalintulad rin daw si Koto sa mga frontliner dahil tuloy ang trabaho kahit delikado at madalas madamay sa mga labanan sa stadium.

Maraming kasapi naman sa nasabing Facebook group ang sumariwa sa kanilang masasayang panahon ng pagkahumaling sa mga anime. Ngayong nasa bahay lang sila, nahikayat daw silang muling panoorin ang Gh0st Fighter.

Loading…