Alaala ng kabataan: Take-copter ni Doraemon, nais daw gamitin ng isang netizen para makauwi sa pamilya ngayong ECQ

  • Dahil ‘desperado’ nang makauwi sa kanila, nais ng isang netizen na gamitin na ang take-copter ni Doraemon para makabiyahe
  • Ito ang kakaibang kagamitan ng anime character para makalipad tuwing susuotin ito na hinangaan ng marami noong kabataan nila
  • Maraming netizens naman ang naka-relate at gusto ring maging best friend ngayon ang robot na pusang si Doraemon

Paniguradong marami sa atin ang miss na miss na ang gumala o maglakwatsa. Sa mga ganitong panahon natin naiisip na sana totoo ang Japanese animation character na si Doraemon; isang robot na pusa na mayroong iba’t ibang gadget sa kanyang mahiwagang bulsa.

Marami kasing kagamitan si Doraemon na maaaring magbigay sa atin ng aliw at pagkakataong makapunta sa iba’t ibang lugar kahit sandali  lamang. At sa mga avid fan ng kwelang anime na ito, siguradong pamilyar kayo sa kakaibang device ni Doraemon upang makapunta sa iba’t ibang lugar nang mabilisan.

Larawan mula sa Facebook post ni Mark Dennis Bertiz

Madalas na mapanood sa anime ang paggamit nina Doraemon at kanyang matalik na kaibigang si Nobita ang take-copter (bamboo copter o hopter). Isa itong maliit na kasangkapan sa ulo na mayroong elisi. Kapag inilagay ito sa ulo ay agad na makalilipad ang maysuot nito at aandar ang elisi sa itaas na akala mo ay isang helicopter.

Aminin mo, nang mapanood mo ito noong bata ka, sinabi mo sa iyong sarili na sana ay magkaroon ka rin ng take-copter tulad ng kay Doraemon. Pero ang childhood dream na ito ay nagpapatuloy para sa ilang adults ngayon lalo na’t umiiral ang enhanced community quarantine (ECQ) at hindi pinahihintulutang bumiyahe ang marami.

Dahil dito, ibinahagi ng netizen na si Mark Dennis Bertiz sa kanyang Facebook post ang isang larawan na sagot daw sa kanyang kagustuhang makauwi sa Bulacan. Ibinahagi niya ang isang accessory (headband) na mayroong disenyong take-copter na hango sa anime na Doraemon.

Maraming batang 90s at 2000s ang naka-relate sa post na ito ni Mark kaya naman agad na nag-viral sa social media ang ibinahagi niyang larawan. Mayroon na itong higit 6,600 reactions, 2,400 comments, at 15,000 shares habang isinusulat ang istoryang ito.

Larawan mula sa YouTube

Ayon sa maraming netizens, katulad ni Mark ay naisip na rin nila ang kagamitang ito ni Doraemon. Marami nga sa kanila ay nagta-tag sa kanilang mga kaibigan na makaka-relate din sa paggamit ng take-copter at gustong maglakbay sa mga panahon ngayon.

Sabi pa ng isang social media user, sana raw ay may maibento talagang katulad ng take-copter para naman daw kapag balik na sa normal ang lahat, ay lilipad na lang tayo at hindi makararanas pa ng mabigat na daloy ng trapiko.

Loading…