Ang general community quarantine ang “new normal” habang wala pang COVID-19 vaccine

  • Ang general community quarantine o GCQ ang magiging “new normal” hangga’t wala pang bakuna para sa COVID-19
  • Hindi na maaaring bumalik ang takbo ng pamumuhay sa dating kinagawian dahil sa epekto ng pandemic
  • Sa ilalim ng GCQ, ilang piling industriya lang ang papayagang makapagsimulang muli ng kanilang operasyon

Ipinahayag ng tagapagsalita ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang general community quarantine (GCQ) ang paiiraling “new normal” hangga’t wala pang nagagawang vaccine para sa coronavirus disease (COVID-19).

Imahe mula sa CDODev

Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi maaaring bumalik ang takbo ng ating pamumuhay sa dati nating kinagawian dahil sa epekto ng pandaigdigang health crisis.

“We are no longer back to normal as we know it po. Ang GCQ po ay ayan na po ang new normal. Hanggang wala pong bakuna, we cannot go back to normal as we know it,” ani Roque na itinalaga na rin ng Pangulo bilang tagapagsalita ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.

Sa ilalim ng GCQ, ilang piling industriya lang ang papayagang makapagsimulang muli ng kanilang operasyon. Unang binanggit ni Roque ang mga hindi pa maaaring magbukas sa ilalim ng GCQ at enhanced community quarantine o ECQ.

“Well, ang GCQ po is the new normal. Ibig sabihin iyong ilang mga industriya ay pupuwede nang mag-operate. Siguro simulan natin doon sa anong hindi pa puwedeng mag-operate whether be it under GCQ or ECQ ‘no. At ang hindi pa po puwedeng mag-operate ay, sinabi na nga natin, lahat ng eskuwelahan – ang pinakamaaga na pupuwede silang magsimula ay sa Setyembre pa,” aniya.

Imahe mula sa CDODev

Bukod sa mga paaralan, hindi pa rin papayagan ang operasyon ng industriya ng leisure, gaming, fitness at tourism. Bawal pa rin ang mga public gatherings, kabilang ang mga conference at religious events.

Binanggit ni Roque na ang mga industriya na  maaari nang mag-operate ay ang  agrikultura, fishery, forestry, food manufacturing, restaurant, palengke, healthcare, logistic, water, energy, internet, telecom and media.

Sa kasalukuyan, ang ilang lugar sa bansa ay nasa ilalim na ng GCQ habang ang Metro Manila, Region III, CALABARZON, Pangasinan, Benguet, Mindoro Island, Albay at Catanduanes ay nananatiling nasa ilalim ng ECQ hanggang sa ika-15 ng Mayo.

IMahe mula sa EarthShaker PH

Loading…