Angel Locsin namahagi naman ngayon ng hand sanitizers sa mga Grab Food riders

  • Walang patid ang pagtulong ng aktres na si Angel Locsin sa mga frontliners
  • Ngayon naman ay nagbigay siya ng hand sanitizers sa mga Grab Food riders
  • Ito ay bilang bahagi pa rin ng kanyang programang tinawag na #UniTENTWeStandPh

Maliban sa pagiging mahusay na aktres, marami rin ang humahanga kay Angel Locsin dahil sa kabutihang-loob nito at kahandaang tumulong anumang unos ang pagdaanan ng bansa. At ngayong may pandemic sa mundo, ang real-life Darna na si Angel ay tuloy-tuloy pa rin sa pagtulong sa kanyang mga kababayan.

Inilunsad ng Kapamilya actress ang kanyang proyektong #UniTENTWeStandPh na naglalayon na makalikom ng pondo upang matugunan ang mga pangangailangan ng health workers ng bansa. At dahil nakalikom ang proyekto ng 10 milyong piso sa loob lamang ng dalawang linggo, mas lumawak ang matutulungan ni Angel.

Larawan mula sa Facebook post ni Paowee Aki

Ibinahagi ng isang netizen ang tulong na ipinaabot ng aktres para din sa mga frontliners natin, ang mga Grab Food riders.

Pinadalhan ni Angel ang mga ito ng kahon-kahong hand sanitizers na malaking tulong para sa mga riders dahil nakikisalamuha sila sa maraming tao upang tuloy-tuloy na makapagbigay ng serbisyo sa mga kababayang hindi makalabas upang bumili ng pagkain.

Sa post ni Paowee Aki, ipinagmalaki nito ang tulong na natanggap na hand sanitizers mula kay Angel. Agad rin namang naipamahagi ang mga hand sanitizers sa mga riders na game na game ding nagpakuha ng larawan bilang pasasalamat na rin sa tulong mula sa kanilang idolong artista.

“Isang konting tulong mula kay Angel Locsin! Thank you po! For Grab drivers, free Glam Organics hand sanitizers,” pahayag ni Paowee sa kanyang post.

Dahil dito, maraming netizens ang lalong humanga kay Angel. Ayon sa kanila, hindi lang panlabas na anyo ng aktres ang ubod ng ganda, ngunit pati na rin ang kalooban nito. Malaki rin ang pasasalamat ng Grab riders kay Angel dahil hindi sila nakalimutan nito sa gitna ng sakuna.

Larawan mula sa Facebook post ni Paowee Aki

Patuloy na nagdi-distribute ang team ng aktres ng sanitation tents sa mga ospital sa bansa. Kamakailan ay ibinalitang nag-donate si Angel ng tents sa Commonwealth Hospital at Sta. Ana Hospital. Kaugnay nito, patuloy na kumakalap ng donasyon ang proyekto ni Angel para makatulong sa mga health workers.

Ilan sa mga kilalang personalidad na sumuporta sa #UniTENTWeStandPh project ni Angel ay ang Megastar na si Sharon Cuneta na nag-donate ng 3 milyong piso at ang kapuwa Kapamilya actress na si Liza Soberano.

Loading…