Ano–ano nga ba ang mga “wais tips” para sa physical o social distancing?

  • May “wais tips” ang Facebook page na “Healthy Pilipinas” upang matandaan ang social o physical distancing
  • Ginamit nilang panukat ang kariton ng isang sorbetero at motorsiklo
  • Ang mga larawang inilakip sa paalala ay may logo mula sa DOH

Simula nang lumaganap ang COVID–19 sa Pilipinas at iba pang mga bansa sa buong mundo, nadagdagan ang mga salitang ngayon lamang narinig, at mukhang maidaragdag na sa talasalitaan, at maging sa kasaysayan. Isa na riyan ang “social distancing” o tinatawag ding physical distancing.

Ang social distancing ay isang akto ng bahagyang paglayo sa isang kausap, o pag–iwas sa pakikihalubilo sa matataong lugar, upang maiwasan ang paglaganap at pagkahawa sa isang mapaminsalang sakit, tulad ng COVID–19. Kaya naman, nagbahagi ang Facebook page na “Healthy Pilipinas” ng ilang mga wais tips upang matiyak na nakasusunod sa social distancing.

Imahe mula sa Facebook page na Healthy Pilipinas/DOH

Ayon sa caption, “Nahihirapan ka bang sauluhin ang tamang distansya sa Physical Distancing tuwing lalabas ng bahay? Tandaan lang ang mga tips na ‘to galing kay Wais Dad!  Ano pa ba ang katumbas ng isang metro?” Ang mga kalakip na larawan ay may logo mula sa Department of Health o DOH upang magsilbing paalala sa publiko.

Sa pamamagitan ng mga kalakip na larawan ay ipinaliwanag nila ang mga bagay na nagpapakita ng agwat na isang metro sa isang kausap. Una, halos kasinghaba raw ito ng kariton na nagtitinda ng sikat na sorbetes sa kalsada. Kung wala namang “Mamang Sorbetero”, kasinghaba rin umano ito ng motorsiklo.

Nagbigay naman ng reaksyon at komento rito ang mga netizens. Nagbahagi ang ilan kung paano mapapanatili ang social at physical distancing sa loob mismo ng tahanan, lalo na’t pinaigting at pinalawig pa ang enhanced community quarantine sa ilang mga rehiyon hanggang Mayo 15.

“At home, you can create markers or any creative signages as a reminder to our families,” sabi ng isa.

Turan naman ng isa, “Hindi mahirap makabisado. Ang mahirap alisin yung nakasanayang tigas ng ulo at walang pakialam. Kapag itong mga pasaway natamaan ng COVID, tiyak na matatauhan sila.”

Imahe mula sa Facebook page na Healthy Pilipinas/DOH

Mahalaga ang pagsunod sa social distancing upang hindi na mailipat o maihawa pa sa iba ang virus sa pamamagitan ng droplets. Tandaan: Ang tamang pagsunod ay magdudulot ng resultang nakalulugod!

Source :

Facebook, DOH

Loading…