Apat na buwang sanggol na tinamaan ng COVID-19, tuluyang gumaling at naiuwi na

  • Gumaling na ang isang apat na buwang sanggol na tinamaan ng COVID–19
  • Umantig sa puso ng mga netizens ang video ng pagpapauwi rito
  • Nagpasalamat ang mga netizens sa mga healthcare workers ng naturang ospital

Masaya sa pakiramdam ng mga healthcare workers na naipapanalo ang kanilang laban kontra COVID–19 sa pamamagitan ng paggaling ng kanilang mga pasyenteng tinamaan nito. Hindi matutumbasan ng halaga ang sayang bumabadha sa mukha ng mga pasyenteng nakauuwi na rin sa kanilang mga pamilya matapos ang halos isang buwang “mag–isang” pakikipagtunggali sa virus na ito.

Kaya naman, nagpaantig sa puso ng mga netizens ang video na ibinahagi sa Facebook post ng healthcare worker na si “Elmer Smith” na naglilingkod sa “Dr. Jose Fabella Memorial Hospital” sa Maynila.

Imahe mula sa Facebook account ni Elmer Smith

Napakaespesyal para sa kanila ang paghahatid sa COVID19 patient nilang gumaling, dahil ito ay apat na buwang gulang pa lamang.

Ayon sa caption ng video, “Our first pedia COVID–19 patient was discharged today.”

Mapapanood sa video ang isang doktor na bitbit ang apat na buwang gulang na sanggol palabas ng ospital upang ibigay sa nanay nitong sabik na sabik nang mayakap at makapiling ang anak. Emosyonal ang mga saksing healthcare workers sa paligid na pumapalakpak pa habang isinasakay sa sasakyan ang sanggol.

Maging ang mga netizens ay nabagbag ang kalooban sa naturang eksena. Nagpahayag sila ng komento hinggil dito.

Sabi ng isa, “Thank you sa inyo sa ating mga healthcare workers, sa lahat mg nurses na nasa ISO…. kayo ang madaming sacrifice sa mga patients, you stay there for them.”

“Nakakaiyak grabe. Salute to all of our frontliners. Hinding-hindi matutumbasan ang sacrifices na ginagawa ninyo. You deserve the best recognition,” turan naman ng isa.

Pahayag naman ng isa, “Pagsaludo sa lahat ng mga doktor, nurses, at lahat ng medical staff na nakikipagbuno sa pandemya! Hindi matatawaran ang inyong dedikasyon at sakripisyo.”

Ayon sa isang doktor, hindi naging madali para sa kanila na alagaan ang sanggol dahil sa kalagayan nito, subalit nagpapasalamat sila dahil naging matatag ito. Worth it daw ang hirap na kanilang isinuong.

Pagbati sa ating 4–month old COVID–19 survivor! Mabuhay po kayong mga healthcare workers na nag–asikaso kay Baby!

Imahe mula sa Facebook account ni Elmer Smith
Source :

Facebook

Loading…