Apat na OFWs, dismayado nang iwan ng OWWA sa bus terminal sa Calamba sa halip na ihatid sa Bicol

  • Apat na OFWs mula sa NAIA na basta na lang iniwan ng OWWA sa bus terminal sa Laguna ang dismayado
  • Sa bus terminal nagpalipas ng gabi ang mga OFWs na galing pa sa Dubai
  • Personal na rumesponde si OWWA Administrator Hans Cacdac at naihatid ang apat na OFW sa Bicol

Nagpahayag ng kanilang pagkadismaya ang apat na overseas Filipino workers (OFWs) na nanggaling sa Dubai matapos silang iwan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa isang bus terminal sa Calamba, Laguna sa halip na ihatid hanggang sa Bicol.

Screenshot mula sa GMA video

Pagdating umano ng mga OFWs sa airport ay agad silang hinatid ng sasakyan ng OWWA sa Calamba. Inakala nila na ang pinagdalhang bus terminal ay pick-up point kung saan may kukuha sa kanilang sasakyan na maghahatid sa kanilang uuwian sa Bicol.

Lumipas ang magdamag ay walang sasakyang kumuha sa kanila kaya naman labis ang pagkadismaya ng isa sa kanila na si Mary Ann Olivares na tatlong buwang nagdadalantao.

“Sana matulungan pa kami, hindi lang kami pati ‘yong mga susunod pa sa amin. Sana mapabilis naman po kasi mahirap lalo na sa ganitong sitwasyon,” aniya.

Batay sa website ng OWWA, sa ilalim ng programang Hatid-Sundo sa Stranded OFWs, may mga bus na idi-dispatch ang OWWA  mula sa Ninoy Aquino International Airport patungo sa apat na ruta – NAIA to Dau, Pampanga; NAIA to Calamba, Turbina; NAIA to Quiapo, Commonwealth; at NAIA to EDSA, Monumento.

Screenshot mula sa GMA video

Magmula naman sa mga drop-off points, bahala ang OWWA Regional Welfare Offices na maghatid sa OFWs sa kanilang mga tahanan sa anumang siyudad, munisipalidad o probinsya.

Samantala, matapos makarating sa tanggapan ng OWWA ang kaso ng apat na OFWs ay agad itong nagpadala ng sasakyan, ngunit tumanggi ang apat dahil ibabalik sila nito sa Maynila.

“Bakit sa Manila na naman ho eh’ napakaraming infected doon. Bakit ibabalik pa kami doon eh kaya nga kami umalis doon. Parang awa niyo naman pagod na pagod na po kami bigyan niyo naman kami ng solusyon,”  pakiusap ng isa sa mga OFWs.

Ilang saglit pa, Si Owwa Administrator Hans Cacdac na mismo ang dumating sa Turbina bus terminal at nagpadala ng dalawang sasakyan na naghatid sa mga OFWs sa Legazpi City sa Albay at Camarines Sur.

Screenshot mula sa GMA video
Source :

GMA Network, OWWA

Loading…