Ara Mina sa pamimigay ng makeup kit sa frontliners: “May kasamang food at face mask iyan”

  • Namigay si Ara Mina ng makeup at self-care kits para sa mga frontliners
  • Ngunit isang netizen ang nagsabi na hindi raw kailangan ng makeup ng mga frontliners kung hindi ibang ayuda
  • Dahil may bumatikos, ipinaliwanag ni Ara na may kasama itong pagkain at face mask

Gumagawa rin ng paraan ang maraming celebrities para makatulong sa mga nangangailangan at sa mga frontliners. Iba-iba sila ng istilo at mga bagay na ibinabahagi na lahat ay nagbibigay ng inspirasyon at kagaanan sa mga kababayan nilang naambunan ng grasya.

Ngunit kamakailan ay naging kontrobersyal ang aktres na si Ara Mina dahil sa pamimigay ng makeup kit sa mga frontliners. Ibinida ni Ara sa kanyang Instagram post ang maraming packs ng makeup na ipinamigay niya sa mga health workers mula sa kanyang sariling makeup line na Ara Colours PH at Ara’s Secret.

Larawan mula sa Instagram post ni Ara Mina

Pero may isang netizen na tila hindi nagustuhan ang pamimigay ni Ara ng makeup at self-care kits sa mga frontliners. Nagkomento ito sa post ni Ara na sa panahon ngayon, pagkain at hindi raw pampaganda ang kailangan ng mga Pilipino.

“Thank you but at this point, makeup kits are not part of our priorities. Food is more essential for their daily needs,” sabi ng netizen.

Sinagot naman ito ni Ara at sinabing ang kanyang mga makeup at self-care kits ay dagdag lamang sa mga ayudang mula sa kanya. Mayroon din umanong kasamang food packs at face masks ang kanyang handog at nakatakdang isunod ang mga personal protective equipment (PPE).

“I know this is not the top priority. Ayan na naman po tayo sa pagdya-judge. This is only a bonus or extra. May kasama pong food ang pamimigay ko po. And nag distribute na rin po ako ng about 8k pieces of masks. Naka-plan na rin po ako mamigay ng face shields and magpa-fundraise pa po ako for PPE suites,” paliwanag ni Ara.

Larawan mula sa Instagram post ni Ara Mina

Ang mapagbebentahan kasi ng mga produkto ni Ara mula sa Ara’s Secret at Ara Colours ay makapagdaragdag sa pondo upang makapagpagawa sila ng PPE para sa mga frontliners. Extra gift lang daw talaga ang makeup kits para naman makapagbigay ng ngiti sa frontliners at isang paalala na kailangan ding alagaan ng mga ito ang kanilang sarili.

May ilan namang dinepensahan si Ara mula sa basher. Ayon sa kanila, nakaka-boost daw ng morale ang matatanggap na self-care kits ng mga frontliners at hanga sila sa aktres na handa itong isakripisyo ang kita ng sariling negosyo para sa kapakanan ng iba.

Loading…