Arnold Clavio iginiit na hindi kredibilidad niya kundi kaligtasan ng mga frontliner ang nakataya sa kaniyang exposé

Imahe mula sa Instagram | Arnold Clavio
  • Hindi raw kredibilidad ni Arnold Clavio kundi buhay ng mga frontliner ang nakataya sa naging exposé niya sa Instagram
  • Bagama’t itinanggi ng DOH at EAMC na may utos na itigil ang census ng mga pumanaw ay kinumpirma ng spokesperson ng ospital na natatambakan sila ng mga bangkay dahil sa kakulangan ng equipment
  • Kahit may mga kumukwestyon sa motibo niya sa paglalahad ng mga impormasyong ito ay nagpasalamat siya sa naging tugon ng gobyerno at pribadong kompanya

“Hindi kredibilidad ang nakataya rito, ngunit ang buhay ng mga frontliner na humingi ng tulong sa akin para mailabas ang katotohanan at mailigtas ang maraming Pilipino.”

Imahe mula sa Instagram | Arnold Clavio

Ito ang naging pahayag ng Kapuso anchor na si Arnold Clavio sa gitna ng kaniyang exposé tungkol sa isang ospital sa Metro Manila na kalaunan ay napag-alamang East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City.

Sa kaniyang post sa Instagram, ibinahagi ni Clavio ang sumbong ng isang frontliner na ipinahinto na umano ang census ng mga sinawimpalad sa kanilang ospital na umaabot sa 10 kada araw.

Itinanggi ito ng Department of Health at ng EAMC. Ngunit sa isang panayam sa CNN Philippines ay kinumpirma ng spokesperson ng ospital na natatambakan sila ng mga bangkay dahil na rin sa kakulangan nila sa equipment kagaya ng freezer.

“Salamat sa CNN Philippines sa kredito (hindi sa akin kundi sa mga frontliner) at napatunayan nila na hindi ito fake news,” ani Clavio.

Nagpasalamat din umano sa kaniya ang ilang doktor dahil nabuksan ang usapin tungkol sa pagtigil ng regular census sa ospital.

“Madaling pabulaanan na ‘walang utos’ dahil wala itong opisyal na dokumento at verbal lamang. At uulitin ko, hindi ko sinabi na DOH ang nag-utos o pamunuan ng EAMC,” sabi pa niya.

Imahe mula sa Instagram | Arnold Clavio

Palaisipan din daw sa kaniya kung sino ang nagkulang lalo na at may atas sa mga lokal na pamahalaan na agad i-transport ang mga bangkay sa accredited crematorium o funeral parlor.

Sa huli ay nagpasalamat siya sa businessman na si Jo Soliman dahil nagpadala ito ng 40 feet na refrigerated container van upang maging pansamantalang lagakan ng mga bangkay sa EAMC.

Dagdag pa ni Clavio, bagama’t may mga kumukuwestiyon sa kaniyang motibo ay masaya siya sa naging tugon ng gobyerno at ng mga pribadong kompanya.

“Ang pagdudahan ang mabuting intensyon ng mga frontliner ay walang maidudulot na solusyon. Naging munting tinig lang po ako nila. Nanaig pa rin ang katotohanan. Purihin ang Ama,” pagtatapos niya.

Loading…