Arnold Clavio matapos ang exposé: ‘Idilat n’yo ang mata ninyo’

Imahe mula sa Instagram | Arnold Clavio
  • Hinimok ng news anchor na si Arnold Clavio ang mga mamamayan na idilat ang kanilang mga mata matapos na maglabas ng hinaing ang mga frontliner sa kinahaharap nilang problema
  • Pag-amin ng spokesperson ng East Avenue Medical Center, natatambakan sila ng mga bangkay dahil sa kakulangan ng equipment
  • Humingi sila ng donasyon upang mapunan ang pagkukulang na ito

“Idilat ninyo ang mga mata ninyo.”

Ito ang naging pahayag ng Kapuso anchor na si Arnold Clavio matapos niyang ihayag sa kaniyang Instagram account ang hinaing ng mga health worker sa isang ospital sa Metro Manila na kalaunan ay tinukoy na East Avenue Medical Center sa Quezon City.

Imahe mula sa Instagram | Arnold Clavio

Wala na raw census ng mga namamatay roon na umaabot na sa 10 kada araw kaya kinukulang na rin sila sa mga body bag.

“Nagkalat sa hallway ng ospital ang mga bangkay. Sa isang ward, ?may 15-20 ang COVID-19 positive. Sa tatlong ward, puno ng PUI (Person Under Investigation),” sabi umano ng isang frontliner kay Clavio.

Dagdag pa ni Clavio, sa puntong ito ay hindi lamang ang kredibilidad niya ang nakataya kundi maging buhay ng mga frontliner na lumapit sa kaniya upang mailabas ang katotohanan na kanilang kinahaharap sa araw araw.

Agad namang naglabas ng pahayag ang Department of Health at East Ave upang itanggi ang pagtigil ng census.

Dahil dito ay sinagot ni Clavio ang mga paratang na nagpapakalat siya ng pekeng balita.

Imahe mula sa Instagram | Arnold Clavio

“Nakalulungkot pero madaling magtago sa likod ng mga katagang ‘fake news.’ Idilat ninyo ang mga mata ninyo, at maitanong ko lang, bilang lider, tagapamuno, at kapitbahay ng naturang hospital, kailan kayo huling nagpunta sa EAMC para kausapin ang mga frontliner dito?”

Subalit kalaunan ay inamin ng spokesperson ng ospital sa CNN Philippines na natatambakan sila ng mga bangkay dahil wala silang sapat na equipment gaya ng freezer upang paglagyan nito.

“Ang capacity lang po kasi noon [m0rgue] is for 5 patients. Ang pinakamataas po na na-record namin ay 20 na mga cadavers na hindi po napi-pick-up,” ani Dr. Dennis Ordona sa CNN.

Nilinaw rin ni Ordona na sa m0rgue hallway at hindi sa hospital hallway nakalagay ang mga bangkay. Wala pa raw nagpopositibo sa COVID-19 sa mga ito kaya itinuturing silang persons under investigation.

Hiling nila ang suporta mula sa gobyerno o pribadong sektor upang mabigyan sila ng sapat na mga gamit gaya ng personal protective equipment, body bags, at mobile morgue o freezer.

Loading…