Awareness campaign: Kotseng hugis coronavirus naglilibot sa India

  • Isang hugis coronavirus na sasakyan ang lumilibot sa Hyderabad sa India
  • Isa iyong awareness campaign ng imbentor na nais paalalahanan ang mga kababayan hinggil sa panganib na dala ng coronavirus
  • Ang India ay isinailalim sa 21 days total lockdown

Isang kulay fluorescent green na kotse na hugis coronavirus, na kumpleto pa sa mga mala-koronang spikes na kulay pula ang dulo, ang naglilibot sa Hyderabad sa India bilang bahagi ng awareness campaign hinggil sa mabagsik at nakahahawang novel coronavirus.

Imahe mula kay Sudhakar Yadav

Ang single-seater na sasakyan ay ginawa ng imbentor na si Sudhakar Yadav, 67 anyos. Pinatatakbo ito ng 100 cc engine. Ginawa niya ito sa gitna ng 21-day total lockdown na ipinatutupad sa buong India upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.

Sabi ni Yadav, ginawa niya ang coronavirus car upang ipaalala sa mga kababayan ang panganib na dala ng novel coronavirus.  Tila hindi pa rin daw natatakot ang mga mamamayan ng India sa salot na virus sa kabila ng pananalasa nito sa buong mundo.

“People are not scared and are still on the streets despite the clear danger,” pahayag ng imbentor.

Ang nais daw niyang maiparating na mensahe sa pamamagitan ng coronavirus car ay maipaintindi sa mga tao na mapanganib sa labas at ang pinakaligtas na lugar ngayon ay sa loob ng tahanan.

“My message through the car art is to make them understand that it is dangerous to be out on the streets and the safest place right now is the home,” aniya.

Screenshot mula sa video ni Sudhakar Yadav

Ang naging inspirasyon umano niya sa paggawa ng coronavirus car ay ang helmet ng mga pulis sa India na hugis virus.

Habang suot ang kulay pula at berdeng helmet, sumasayaw ang mga awtoridad sa palibot ng sasakyan ng driver na lumabag sa ipinatutupad na quarantine.

Ang proyekto ni Yadav ay suportado ng mga awtoridad ng Hyderabad.

Imahe mula sa RFI

 

Source :

RFI, YouTube

Loading…