Ayudang puhunan: SJDM, Bulacan namigay ng P3,000 tulong sa 179 sari-sari store para makapagsimulang muli

  • Namigay ng ayuda ang isang kongresista para sa mga may-ari ng sari-sari store sa SJDM, Bulacan
  • Ito ay upang matugunan ang pagkalugi ng maliliit na negosyo na labis na naapektuhan ng ECQ
  • Galing din sa sariling bulsa ng kongresista ang ipinamahagi na katumbas ng kanyang dalawang buwan sahod

Malaking ayuda ang natatanggap na pagkain ng mga mamamayang hindi nakapagtatrabaho ngayon dahil sa umiiral na enhanced community quarantine (ECQ). Marami din ang umaasang mamamayan sa tulong pinansyal na ipinamamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pamamagitan ng social amelioration program (SAP).

Pero ang mga local government units (LGUs) ay may kanya-kanya ring paraan upang bigyan ng kahit papaano’y kagaangan ang pamumuhay ng kanilang mga nasasakupan. Isa na rito ang pamahalaang lokal ng City of San Jose del Monte, Bulacan na hindi lamang relief goods ang ipinamimigay kung hindi maging pangkabuhayan sa ilang residente.

Larawan mula sa Facebook page ni Cong. Rida Robes

Sa pamamagitan ng proyektong Handog Patnubay ng kongresistang si Rida Robes, namigay sila ng P3,000 halaga ng grocery package sa mga tinatayang 179 sari-sari store sa lungsod upang makapagsimulang muli ang mga maliliit na tindahan.

Tinukoy ng team ni Robes ang mga kwalipikadong tindahan o ang mga tinatawag na small scale sari-sari stores mula 59 barangay ng SJDM. Naisipan ng kongresista na mamahagi ng tulong sa mga tindahan dahil batid nitong lubos na naapektuhan ang maliliit na negosyo dahil sa suliraning kumuha ng suplay dahil sa limitadong access sa sasakyan gawa ng ECQ.

Ang pondo ring pinagkuhanan ng Handog Patnubay ni Robes ay galing mismo sa kanyang sarili bulsa bilang isang kongresista. Katumbas ng dalawang buwang sahod niya bilang mambabatas ang ginamit ni Robes upang mabigyan ng ayuda ang kanyang mga kababayan. Tinawag ding Tindahan ni Maria ang proyekto bilang pagpupugay sa Birheng Maria.

Naniniwala ang kongresista na sa pamamagitan ng tulong sa mga may-ari ng mga munting tindahan sa lungsod ay mabibigyan sila ng pag-asang kahit mayroong kinahaharap na krisis ang bansa ay maaari magpatuloy sa pagiging produktibo ang kanilang mga mamamayan.

Larawan mula sa Facebook page ni Cong. Rida Robes

Malaki naman ang pasasalamat ng mga mamamayang nabigyan ng tulong dahil marami sa mga tindahan ay hindi na nakapagbubukas dahil naubos na ang puhunan habang ang iba ay wala nang mapagbilhan ng kanilang itinitinda.

Marami din ang humanga sa proyektong ito dahil patunay lamang ito na ang tulong na nanggagaling sa LGU ay hindi lamang pera o relief goods. Maaari ding makapagbigay ng pagkakakitaan upang mas matagal na panahon nila itong mapakinabangan.

Loading…