Babaeng stranded sa Cavite dahil sa ECQ, sinundo ng pulis-Maynila para makauwi sa malubhang ina sa Bulacan

  • Isang pulis ang tumugon sa panawagan ng babaeng stranded sa Cavite dahil sa ECQ
  • Nanawagan ang babae na tulungan siyang makauwi sa inang malubha na ang kalagayan sa Bulacan
  • Sinundo ng pulis ang babae sa Cavite at inihatid sa Bulacan
  • Huli na ang pagdating ng babae, iniwan na siya ng kanyang pinakamamahal na ina

Isang police officer ang tumugon sa panawagan ng babaeng na-stranded sa Cavite dahil sa enhanced community quarantine (ECQ) na nais makauwi sa Bulacan upang makapiling ang inang may karamdaman.

Imahe mula kay PJ Rodriguez

Nakilala ang babae na si PJ Rodriguez, isang dine-in crew sa popular na fastfood restaurant sa Dasmariñas, Cavite. Hindi na niya nagawang makauwi sa Bulacan matapos abutan sa Cavite ng pagpapatupad ng ECQ.

Sa pamamagitan ng social media ay nanawagan si PJ Rodriguez sa sinumang maaaring tumulong sa kanya na makauwi sa San Jose Del Monte, Bulacan nang malaman niyang mahina na ang kanyang ina na hindi na makadilat o makapagsalita dahil sa malubhang kalagayan.

“Baka may pwede pong tumulong sa akin para makauwi sa amin sa Bulacan. Kailangan po ako ng nanay ko. Ni hindi na raw po nadilat at nagsasalita. Sa kung sinuman pong makakatulong sa akin, please po, kailangan ko pong umuwi. Andito po ako ngayon sa Dasmariñas, Cavite at kailangan ko po makauwi sa San Jose Del Monte, Bulacan,” panawagan ni PJ Rodriguez noong Miyerkules, ika-15 ng Abril.

Imahe mula kay PJ Rodriguez

Nag-viral ang post ni PJ at isa sa mga nakabasa nito ay si P/Cpl  Joel Santos Marcelino ng Manila Police District. Agad niyang ibinigay ang contact details niya upang magkausap silang dalawa.

Kinabukasan, gamit ang sarili niyang sasakyan ay sinundo ni P/Cpl. Marcelino si PJ sa Dasmariñas at inihatid sa inang may sakit sa Bulacan. Ngunit huli na ang pagdating ni PJ; iniwan na siya ng kanyang pinakamamahal na ina.

Magkagayunpaman, lubos ang kanyang pasasalamat kay P/Cpl. Marcelino at sa lahat ng tumulong sa kanya na makauwi sa piling ng ina.

Imahe mula kay PJ Rodriguez

Loading…