“Bahay Kubo with a twist”, kinatuwaan ng mga netizens

  • Kinaaliwan ng mga netizens ang isang bahay kubo
  • May twist kasi ito dahil sa unang tingin, ito ay simple at tipikal na kubo
  • Kapag pumasok na sa loob, makikitang ito ay makabago

Itinuturing na “Pambansang Tahanan” ng mga Pilipino ang “bahay kubo” na tirahan ng ating mga ninuno noon, at makikita pa rin naman hanggang ngayon. Gawa ito sa kahoy, pawid, at iba pang mga light materials na talaga namang masarap tirahan lalo’t nasa lokasyong presko ang hangin at maganda ang tanawin, gaya sa mga lalawigan.

Ngunit paano nga ba maipagsasama ang bahay kubo at makabagong bahay sa iisang lugar? Posible iyan batay sa mga larawang kinatuwaan ng mga netizens sa Facebook page na “Rant”. Makikita roon ang isang bahay kubo “with a twist”.

Imahe mula sa Facebook page na Rant

Sa unang tingin, makikita ang isang payak, malinis, at tipikal na bahay kubo na hindi natukoy kung sino ang nagmamay–ari. May nakatanim pang mga halamang ornamental sa paligid nito, na nakadaragdag sa katiwasayan ng kaanyuan nito.

Ngunit kapag pumasok na sa loob, nakagugulat sapagkat marmol ang sahig nito, ang mga dingding ay yari sa pader na napipinturahan ng puti, ang mga muwebles at appliances ay makabago gaya ng telebisyon, sofa, lamesa, at iba pang mga palamuti, gayundin ang mga bahagi nito gaya ng sala, kusina, at palikuran. Kakaiba,  hindi ba?

Sa gilid na labas ng bahay, napanatili naman ang makalumang senaryo dahil napapalibutan ito ng mga pananim. Nakatutuwang isiping napagsama ng may–ari ng bahay ang makaluma at makabagong hitsura ng isang bahay, na nakasasabay pa rin sa tawag ng panahon ngunit hindi kinalilimutan ang nakaraan.

Umani naman ito ng komento mula sa mga netizens.

Sabi ng isa, “A simple house but full of happiness and good vibes! Parang ang sarap tumira sa ganitong bahay. Sa ngayon kasi, iba na ang konotasyon kapag bahay kubo ang tinitirhan. Iisipin, dukha o mahirap ang nakatira.”

“Good idea! Ganito ang ipagagawa ko sa resthouse ko somewhere in Tagaytay or Baguio… kung magkakaroon man, hahaha,” pabirong sabi ng isa.

Papuri naman ng isa, “Ito ang gusto kong bahay, kahit simple lang, malinis at mas maganda kung may gulayan pa sa bakuran. Simpleng pamumuhay kasama ang buong pamilya.”

Imahe mula sa Facebook page na Rant

Ikaw, gusto mo rin bang manirahan sa ganitong bahay kubo with a twist?

Loading…