‘Bakliners’ ng Gumaca, namahagi ng gulay habang naka-long gown

Imahe mula sa Facebook | We Love Gumaca
  • Habang nakasuot ng long gown, namahagi ang mga miyembro ng LGBTQ+ community ng gulay sa mga residente ng Gumaca, Quezon
  • Ang ginawang ito ng grupo ay makatutulong daw upang mapanatili ang pisikal at mental na kalusugan ng mga mamamayan na siyang pangunahing sandata kontra COVID-19
  • Ipinaalala rin nila sa mga residente ang kahalagahan ng social distancing at pananatili sa bahay upang masiguradong ligtas ang pamayanan

Suot ang kanilang long gown, sash, korona, at face mask ay “rumampa” ang mga tinaguriang “Bakliners” hindi sa entablado, kundi sa mga kalsada ng Gumaca, Quezon upang mamahagi ng sariwang gulay sa mga residente habang ipinapaalala sa kanila ang kahalagahan ng social distancing at pananatili sa loob ng tahanan.

Imahe mula sa Facebook | We Love Gumaca

Sa Facebook page ng local government ng Gumaca, sinabi nilang batid nila ang kahalagan ng pagpapanatili ng pisikal at mental na kalusugan upang maiwasan ang COVID-19 kaya naman naisip nilang gawin ito.

“Ang kalusugan ang ating pangunahing sandata laban sa COVID-19. Ang pagkakaroon ng malusog na pangangatawan, isipan o mental health, at emotional well-being ay mahalaga sa gitna ng krisis na ating kinakaharap,” anila.

“Hindi alintana ang init, ‘gorabels’ ang mga ‘sis’ makapaghatid lamang ng tuwa at ng munting handog para sa ating mga kababayan sa Brgy. Pipisik at Brgy. San Diego.”

Imahe mula sa Facebook | We Love Gumaca

Dahil sa ginawang ito ng LGBTQ+ community ay naibsan daw ang pangamba ng mga residente habang pinaalalahanan sila ng kahalagahan ng social distancing at community quarantine.

“Isa itong patunay na sa kabila ng hirap na ating pinagdaraanan dulot ng COVID-19, makakayanan natin itong lampasan basta’t tayo ay nagtutulungan.”

Nagpasalamat naman ang pamunuan ng Gumaca sa LGBTQ+ dahil sa kanilang ambag upang mapanatiling ligtas ang komunidad.

“Tunay na ang lahat, anuman ang kasarian o katayuan sa buhay, ay may maiaambag upang mapanitili nating COVID-free ang ating pamayanan. Ang pananatili sa ating mga tahanan ay isang malaking kontribusyon sa laban natin kontra COVID-19,” saad nila.

Loading…