Balikan: Teleseryeng ‘Bakekang’ na pinagbidahan ni Sunshine Dizon, isa sa most watched GMA shows

  • Isa sa pinakamatagumpay na Kapuso serye ang likha ni Carlo J. Caparas na Bakekang
  • Maraming pangalan ang nakilala sa seryeng ito kabilang ang mga child stars na gumanap na Krystal at Charming
  • Maging ang mga Kapamilya stars nga ay nanonood nito dahil relate sila sa kuwento

Hindi maitatanggi na ang dekada 2000s ay dinomina ng mga teleserye ng GMA Network. Sino ba naman ang makalilimot sa kanilang mga sikat na telefantasya tulad ng Mulawin, Encantadia, Darna, Majika, Kamandag, at Captain Barbell.

Sumikat din ang kanilang mga teledrama noon kabilang ang remake ng graphic novel ni Carlo J. Caparas na Bakekang. Marami ang naantig sa kuwento ni Bakekang; isang babaeng kinukutya dahil sa kanyang anyo na ginampanan ng premyadong aktres na si Sunshine Dizon.

Larawan mula sa GMA Network

Naging claim to fame din ito ng dalawang child star, na ngayon ay mga teen stars na — sina Jolina ‘Krystal’ Reyes at Eunice ‘Charming’ Lagusad bilang mga anak ni Bakekang. Naging dahilan pa nga ito upang magkaroon ng magkahiwalay na serye para sa dalawang bata sa afternoon slot na pinamagatang Princess Charming.

Namayagpag sa ratings ang Bakekang kahit medyo late na ang timeslot nito. Inabangan din ang banggaan ng magkapatid na sina Krystal at Charming hanggang sa kanilang pagdadalaga na ginampanan naman nina Yasmien Kurdi at Lovi Poe.

Aspiring singer kasi si Krystal ngunit mas nagustuhan ng mga tao ang boses ni Charming. Ngunit dahil mas maganda si Krystal, siya ang humaharap sa madla at nagsilbi niya lamang na gh0st singer ang kapatid na si Charming na malaki ang pagkakahawig kay Bakekang.

Dahil sa tagumpay nito, maging ang mga big stars ng ABS-CBN ay aminadong nanonood nito noong ipalabas taong 2006. Isa sa mga ito ay ang Queen of All Media na si Kris Aquino.

Sa isang pahayag sa PEP, giliw na giliw daw kasi siya kay Charming na ginampanan ni Eunice na kalaunan ay lumipat din sa Kapamilya network at naging bahagi ng Goin’ Bulilit.

Larawan mula sa GMA Network

Maging ang Popstar Royalty na si Sarah Geronimo ay aminadong fan ng teleseryeng ito ng GMA noon. Naka-relate daw kasi siya sa karakter ni Krystal bilang isang aspiring singer na kung saan-saan sumasali upang ma-discover.

Dahil sa tagumpay ng Bakekang, nagkaroon pa ito ng dalawang TV specials na pareho ding nag-rate. Tumagal ang Bakekang sa ere ng pitong buwan at itinuturing na isa sa most watched Kapuso show hanggang sa ngayon.

Source :

PEP, IMDB

Loading…