Barangay kagawad sa Bulacan kinukuha sa beneficiaries ang kalahati ng SAP cash aid, ginamit pa pangalan ng mayor

  • Barangay kagawad sa Hagonoy, Bulacan kinukuha ang mahigit kalahati sa cash aid ng mga SAP beneficiaries
  • Nagpapapirma sa papel ang kagawad sa mga benepisyaryong pumapayag na kukunin ang P3,500 mula sa P6,500 na ayuda
  • Maririnig sa video na ang pera ay dadalhin sa bahay ng mayor
  • Itinanggi ng mayor na may kinalaman siya sa sinasabing hatian ng emergency cash subsidy sa ilalim ng SAP

Binabawi ng isang barangay councilor o kagawad sa Hagonoy, Bulacan ang mahigit kalahati ng emergency cash subsidy na ipinamamahagi sa mga benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) ng pamahalaan.

Screenshot mla sa YouTube video ng TVP

Sa video na ibinahagi sa YouTube, makikita ang nasabing barangay kagawad na kinilalang si Danny Flores na pinapipirma sa isang papel ang mga beneficiaries ng ayuda na ipinamamahagi ng pamahalaan  sa pamamagitan  ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Batay sa marinig na pag-uusap ng kagawad at ng isang lalaki na kumukuha ng video na humihingi ng paliwanag, sa P6,500 na matatanggap ng mga beneficiaries mula sa DSWD ay P3,000 na lang ang mapupunta sa kanila dahil kukunin ang P3,500.

Hiniling ng lalaki na kunan ng larawan ang papel na pinapipirmahan sa mga benepisyaryo. Sinabi naman ni kagawad Danny Flores na huwag i-post sa social media ang larawan o video.

“Huwag mo nang videohan ito,” maririnig na sambit ng kagawad.

Sinabihan pa nito ang lalaki na sumamang makipag-usap sa mayor.

Isang tinig ng babae ang narinig na nagtanong kay kagawad Danny Flores, “Saan po ba mapupunta ‘yan, kay mayor o kay kapitan?”

Screenshot mla sa YouTube video ng TVP

“Hindi alam…walang pakialam si kapitan dito. Kay mayor ito babalik…sa bahay nila,” maririnig na sabi ng konsehal ng barangay.

Makikita sa video na pumirma ang isang lalaki sa papel – nangangahulugan na pumapayag itong mabawasan ang matatanggap na ayuda.

“Hindi naman dapat na maibalik ‘yan, eh, kasi pera n’yo na ‘yan, eh. Kahit hindi kayo magbalik n’yan walang problema d’yan,” sabi ng lalaking kumukuha ng video sa mga pumirma sa papel.

Ayon naman sa ulat ng GMA, itinanggi umano ito ng alkalde ng Hagonoy na si Mayor Raulito Manlapaz; na labas na siya sa usapan ng barangay na hatiin ang cash aid.

Narito ang video n ginsidente:

Loading…