Batang babae binalutan ng malaking plastic para mayakap ng inang frontliner

  • Nabigyang muli ng pagkakataon ang isang health worker na mayakap ang kaniyang anak matapos ang matagal niyang pananatili sa ospital bilang nurse
  • Sa video na ibinahagi ng GMA News, makikita na binalot muna sa malaking plastic ang bata para sigurihin na protektado ito sa ano mang sakit
  • Bagama’t hindi malinaw sa bata kung bakit siya napapaloob sa plastic, mapapansin naman ang tuwa nito dahil sa muling pagkikita nila ng kaniyang ina

Dahil sa patuloy na banta ng C0VID-19 sa kalusugan ng mga mamamayan, mas pinipili ng ilang mga frontliners na hindi na muna umuwi sa kani-kanilang tahanan upang masiguro ang kaligtasan ng kanilang mga pamilya.

Imahe mula sa Facebook video ng GMA News

Ganito rin ang naging situwasyon ng isang ER Nurse na kinilalang si Ramona Bernardo mula sa Nueva Ecija Doctors’ Hospital.

Sa ulat ng GMA News, ilang linggo na umanong hindi umuuwi si Ramona sa kanilang bahay dahil sa takot na baka makapagdala siya ng virus sa kaniyang pamilya.

Kinumpirma niya na March 15 pa ang naging huling pagkikita nila ng anak at aminado rin siya na sobrang miss na niya ito.

Sa video naman in-upload din ng GMA noong April 11, mapapanood ang nakaantig na pagtatagpo nina Ramona at ng kaniyang anak. Nabigyan muli siya ng pagkakataon na mayakap ang anak na babae matapos ang matagal niyang pananatili sa ospital.

Makikitang ipinasok ng mga nakatatanda ang bata sa malaking plastic bag para masiguro na protektado ito sa anomang virus. Pagkatapos mabalot ang bata sa plastik ay tuluyan na nitong nalapitan at nayakap ang nangungulilang magulang.

Mababaakas sa mukha at kilos ng bata na hindi malinaw sa kaniya kung bakit siya nakapaloob sa plastik, ngunit kapansin-pansin naman ang tuwa nito dahil muli niyang nakapiling ang kaniyang ina.

Ayon pa sa GMA, nagdesisyon nang umalis si Ramona sa lugar nang gustuhin na ng anak na alisin ang plastic bag na nakasuot sa kaniya.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga ng lola nito ang bata habang patuloy naman ang pagsisilbi ni Ramona bilang nurse sa ospital.

Loading…